LUNGSOD CALOOCAN, Abril 8 (PIA) -- Para kay Senator Win Gatchalian, dapat tutukan ng Department of Education (DepEd) ang mga kakulangan sa reproductive health education lalo na’t kinatatakutang dumami pa ang bilang ng mga batang ina sa bansa dahil sa lockdown measures bunga ng pandemya.

Ito'y sa kabila ng Republic Act 10354 o Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012 (RPRH Law) na nagmamandato ng angkop na reproductive health education ay lumabas sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) nitong nakaraang Marso na may mga kakulangan ang programang health education ng gobyerno tulad ng pagkakaroon ng sapat na teacher training at learning materials para sa pagtuturo.

Kamakailan lang ay iniulat ng Commission on Population and Development (POPCOM) na may 2,422 sanggol sa Cordillera na ipinanganak mula sa teenage parents noong 2020, mas mataas ng 46.43 porsyento mula sa 1,654 naitala noong 2019. Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas ng 7 porsiyento ang bilang ng mga batang inang may edad 15 pababa sa buong bansa noong 2019 kung ikukumpara noong 2018.

Nagpalabas na noon pa lang ang DepEd ng Department Order (DO) 31 s. 2018 upang gabayan ang pagpapatupad ng sexuality education. Ngunit ayon sa pag-aaral ng PIDS, lumalabas na may kakulangan pa rin sa manpower, mga pasilidad, pagsasanay, instructional materials, pakikipag-ugnayan, at sistema ng pag-monitor.

“Lalo nating dapat paigtingin ang pagtugon sa mga kakulangang ito, lalo na’t ang pagdami ng mga batang ina ay isa sa mga nakita nating epekto ng pandemya,” ani Gatchalian.

Sa isinagawang focus group discussions (FGD) ng PIDS kasama ang mga guro, lumalabas na hindi sapat ang mga pagsasanay na isinigawa na may kaugnayan sa sexuality education. Bagama’t ang DepEd ay sumusunod naman sa karamihan ng mga probisyon ng batas, sinabi ng PIDS sa pag-aaral nito na kailangang paigtingin pa ang programa upang maisakatuparan ang RPRH Law.

“Bagama’t ilang taon na ang lumipas simula nang magkaroon tayo ng batas sa Reproductive Health Law at magkaroon ng polisiya ang DepEd sa usapin ng Comprehensive Sexuality Education o CSE, may mga kakulangan pa rin tayong nakikita tulad ng sapat na teacher trainings at learning materials upang maging mas mabisa ang pagtuturo ng CSE sa ating mga paaralan,” pahayag ng Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture. (PIA NCR)



Main Menu

Secondary Menu