Sa kabila ng mandato ng Republic Act 10354 o Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012 (RPRH Law) na nakatuon sa angkop na reproductive health education, lumabas sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) nitong nakaraang Marso na may mga kakulangan ang programang health education ng gobyerno tulad ng pagkakaroon ng sapat na teacher training at learning materials para sa pagtuturo.

Nais bigyang diin ng inyong lingkod na dapat tutukan at paigtingin ang pagtugon ng Department of Education (DepEd) sa mga kakulangang ito lalo na’t kinatatakutang dadami pa ang bilang ng mga batang ina sa bansa dahil sa lockdown measures bunga ng pandemya.

Kamakailan lang ay iniulat ng Commission on Population and Development (POPCOM) na may 2,422 sanggol sa Cordillera na ipinanganak mula sa teenage parents noong 2020, kung saan mas mataas ito ng halos 50 porsyento mula sa 1,654 na naitala noong 2019. Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas ng pitong porsiyento ang bilang ng mga batang ina na may may edad 15 pababa sa buong bansa noong 2019 kung ikukumpara noong 2018.

Nagpalabas na noon pa lang ang DepEd ng Department Order (DO) 31 s. 2018 upang gabayan ang pagpapatupad ng sexuality education. Ngunit ayon sa pag-aaral ng PIDS, lumalabas na may kakulangan pa rin sa manpower, mga pasilidad, pagsasanay, instructional materials, pakikipag-ugnayan at sistema ng pag-monitor.

Sa isinagawang focus group discussions (FGD) ng PIDS kasama ang mga guro, lumalabas na hindi sapat ang mga pagsasanay na isinagawa na may kaugnayan sa sexuality education. Bagama’t ang DepEd ay sumusunod naman sa karamihan ng mga probisyon ng batas, sinabi ng PIDS sa pag-aaral nito na kailangang paigtingin pa ang programa upang maisakatuparan ang RPRH Law.

Ilang taon na ang lumipas simula nang magkaroon tayo ng batas sa Reproductive Health at magkaroon ng polisiya ang DepEd sa usapin ng Comprehensive Sexuality Education o CSE. Ngunit ang nakakalungkot na katotohanan ay talagang may mga kakulangan pa rin tayong nakikita upang maging mas mabisa ang pagtuturo ng CSE sa ating mga paaralan.

Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, mariin nating isinusulong ang sapat na pagtuturo ng CSE sa lalong madaling panahon. Inaasahan natin ang mabilis na pagtugon ng DepEd, mga paaralan at mga guro sa sa usaping ito.



Main Menu

Secondary Menu