UPANG mapaigting ang pagbangon ng ekonomiya mula sa pinsala ng COVID-19, isinusulong ni Senador Win Gatchalian na maiangat ang kakayahan at kahandaan ng mga mag-aaral at manggagawa ng bansa para sa Fourth Industrial Revolution o Industry 4.0.
Ayon kay Gatchalian, dapat itong tutukan ng sektor ng edukasyon, kabilang ang mga paaralan sa K to 12, upang matiyak na may sapat na kakayahan ang mga mag-aaral para sa mga itinuturing na ‘jobs of the future’, lalo na’t maraming mga industriya ang gumagamit ng mas maraming teknolohiya para sa automation at digitalization.
Ayon sa The Future of Jobs Report na inilabas ng World Economic Forum (WEF) noong 2020, kabilang sa Top 15 Skills for 2025 ang mga may kinalaman sa paggamit ng teknolohiya, analytical thinking and innovation, active learning and learning strategies, at complex problem-solving.
Ibinahagi rin ng naturang ulat na lumalawak ang pangangailangan ng mga industriya para sa mga trabahong tulad ng Data Analysts and Scientists, Artificial Intelligence (AI) and Machine Learning Specialists, Big Data Specialists, Digital Marketing and Strategy Specialists, at Process Automation Specialists.
Ngunit ibinahagi rin ng WEF ang ilang mga sagabal sa paggamit ng mga bagong teknolohiya. Ayon sa mga kompanyang naging bahagi ng ulat, ang mga pangunahing sagabal na naitala ay ang skills gaps sa local labor market (55.4%), hirap sa paghikayat sa mga may special talent o kakayahan (46.7%), at skills gaps pagdating sa mga lider ng organisasyon (41.4%).
Ang Pilipinas, halimbawa, ay hirap sa pagkakaroon ng sapat na mga data science and analytics (DSA) professionals. Ayon sa isang 2020 research paper ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), mahigit isang daan at pitumpung libo (176,597) ang nagtapos mula sa 10 undergraduate programs na may kaugnayan sa DSA noong 2019. Sa kabila nito, wala pang apatnapung (38) porsiyento ang itinuturing na handa sa larangan ng DSA.
“Kailangang tutukan natin ang mga kakayahang kinakailangan sa Fourth Industrial Revolution at isang digitized na daigdig. Ang mga negosyo ay sumasabay na rito upang makasabay sa mga pagbabagong dulot at pinabilis ng pandemya,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
“Higit nating kakailanganin ang critical thinking, analysis, at innovation. Ito ang mga kakayahang dapat tutukan ng ating mga paaralan sa basic education dahil naniniwala akong dapat paigtingin ang mga kakayahang ito sa murang edad pa lamang,” dagdag ng senador.
Sa pagtiyak sa kahandaan ng mga manggagawa para sa Industry 4.0, ibinahagi rin ni Gatchalian ang halimbawa ng SkillsFuture sa Singapore, isang statutory board sa ilalim ng Ministry of Education na may mga programa at ayudang inaalok para sa reskilling at upskilling ng mga mag-aaral, mga employer, at mga empleyado na nasa iba’t ibang yugto ng kanilang propesyon.
Para sa mabilis na pagbangon ng ekonomiya – Workers ihanda sa industry 4.0