MARIIN ang ating pagtanggi sa panukala ng HB 06405 na alisin ang Mother Tongue Based Multi Lingual Education o MTBMLE sa edukasyon. Ang MTBMLE ang ubod ng reporma sa edukasyon ng RA 10533 ( Kinder to Grade 12 law). Sinisisi ng dalawang mambabatas ang MTBMLE na dahilan bakit kulelat ang Pilipinas sa PISA 2018.
Ang PISA o Programme for International Student Assessment, na pinamamahalaan ng OECD o Organization for Economic Cooperation and Development, ay isang pandaigdigang pagsusuri sa kakayahan sa matematika, agham at pagbabasa ng mga estudyanteng 15 taon gulang. Ang lahat ng bansa na lumalahok dito ay malayang makapipili ng wikang gagamitin sa eksamen. Dahil sa yabang ng mga opisyales ng DepEd, imbes na Filipino o mother tongue, English ang wikang pinili nila. Batay sa datos ng PISA, halos 97% ng mga estudyanteng Pilipino na kumuha ng PISA 2018 ay hindi ginagamit sa kanilang mga tahanan ang wikang English. Ang mga bansang matataas ang marka ay pinili ang wikang ginagamit ng kanilang mga estudyante sa kanilang mga pamilya at hindi ito English. Ibig sabihin nito, malaki ang impluwensiya ng wikang ginagamit sa tahanan sa edukasyon ng bata.
Narito ang limang dahilan kung bakit isang malaking kalokohan ang hinuha na MTBMLE ang dahilan ng nakakahiyang marka ng mga estudyanteng Pilipino sa PISA 2018:
Una, ang mga batang lumahok sa PISA 2018 ay hindi dumaan sa programa ng MTBMLE sapagkat Grade 4 na sila noon 2013 ng umpisahan ipatupad ang programa. Maling sabihin na nakasama ang MTBMLE sa kanilang kakayahan na sumagot sa mga tanong sa PISA 2018.
Pangalawa, ang MTBMLE ay sumasang-ayon, hindi sumasalungat, sa 1987 Constitution na hayagang inuutos ang paggamit ng mga wika ng rehiyon o mother tongue sa pagtuturo at sa pakikipag-ugnayan at talastasan ng mamamayan sa pamahalaan. Sa katunayan, ano mang batas na iwawaksi ang MTBMLE ay tahasang paglabag sa Seksyon 7, Artikulo XIV ng 1987 Constitution. Ito ang lagom ng makasaysayang pasya ng Korte Suprema sa Council of Teachers and Staff of Colleges and Universities of the Philippines( CoTesCUP) et al. vs Secretary of Education , et al. , GR# 216930, October 9,2018.
Pangatlo, ayon kay Antonio D. Igcalinos, Pangulo ng 170 + Talaytayan, ginagarantiyahan ng Seksyon 5 ng Batas Republika 10533( K to 12 Law) ang lahat ng mga bata ay makakapasok sa isang panglahatan at makatwiran na saligang edukasyon. Nagbubuklod ang MTBMLE. Hindi ito matutupad kung aalisin ang wikang alam ng bata ng musmos pa lang ito bilang wika ng pagtuturo sa paaralan at pipiliting gamitin lamang ang Filipino at English na mga wikang hindi nila alam. Kung hindi maihahatid sa wikang hindi alam ng bata ang aralin, walang matutuhan ang bata. Pagbubukod ang magaganap. Para mo na lang siyang pinapanood ng K-drama na walang sub-title.
Pang-apat, walang ebidensya na mapagbabatayan para sabihin na masama sa edukasyon ng batang Pilipino ang MTBMLE. Kung mayroon man, ito ay kaduda-duda sapagkat ayaw humarap sa mga akademiko ang nagsaliksik nito upang patunayan na ang metodolohiyang ginamit niya ay alinsunod sa mga panuntunan ng mga dalubhasa sa pananaliksik. Samantala, mas dapat talakayin ang ulat ng PIDS o Philippine Institute for Development Studies tungkol sa implementasyon ng DepEd ng MTBMLE. Ipinapakita nito na maraming pagkukulang sa pagsasanay ng mga guro sa MTBMLE, sa pagbuo at pagpaparami ng mga aklat at iba pang gamit sa pagtuturo sa MTBMLE, at tamang “Monitoring and Evaluation “ ng programa.
Pang-lima, kung aalisin ang MTBMLE, babalik tayo sa luma at walang kwentang bilingwal na pagtuturo gamit ang English at Filipino. Tandaan natin na karamihan ng mga Pilipino ay hindi taal na nagsasalita ng English at ito ay dapat ituro bilang pangalawa o pangatlong wika lamang. Ito ay kontra sa Konstitusyon at lumalabag sa karapatan ng mga bata na makapag-aral sa wikang alam nila. Imbes na pasulong, paatras ang panukala ng dalawang kongresista.
Ano ang mga kailangan gawin?
Una, puwersahin ng Kongeso ang Dep Ed na palakasin nito ang monitoring at evaluation ng MTBMLE upang makakalap ng datos para matakpan ang mga kahinaan ng programa.
Pangalawa, tutukan ang kalidad ng guro sa pagtuturo. Ipasa ang HB 08441 na pinapalakas ang Teacher Education Council at amyendahan ang charter ng CHED sapagkat ang problema sa kalidad ng guro ay hindi lamang sa bakod ng DepEd namamahay.
Pangatlo, bumuo ng standards setting para sa teacher education. Batay sa karanasan, hindi na ito maaaring ipagkatiwala sa CHED. Alisin na ang Technical Panel for Teacher Education o TPTE at papanagutin sila sa “learning crisis”ng Pilipinas.
Panahon na upang magbuo ang pambansang consensus kung ano ang nais nating mangyari sa ating bansa sa loob ng 50 taon. Tuwing nagpapalit ng administrasyon, nagpapalit din ng direkyon. Para sa akin, gusto kong maging isang 1st world country ang Pilipinas sa loob ng panahong ito para sa kapakanan ng aking magiging mga apo. Sa MTBMLE, darami ang ating mga propesyonal, mga manggagawang may sapat na kasanayan at kabilang na rito ang magsasaka at mangingisda. Liliit ang bilang ng mahirap at lolobo ang bilang ng makakatawid ng maginhawa sa buhay. Ang pagtratrabaho sa ibang bansa ay isa na lang alternatibo na maaaring tanggihan.
Bata pa ang programa ng MTBMLE at dapat palakasin pa ito, hindi alisin.
Related Posts
Publications
Press Releases
Video Highlights
[No related items]