Para sa planong pagpapatupad ng 100% face-to-face classes ay hinihimok ni Senador Win Gatchalian ang Marcos Administration na pagaanin ang workload o trabaho ng mga guro upang matutukan nila ang kanilang tunay na tungkulin – ang pagtuturo sa mga mag-aaral.

Ayon kay Gatchalian, bukod sa pagtuturo ay kadalasang binibigyan ng iba pang trabaho ang mga guro tulad ng iba’t ibang administrative roles at student support roles.

Tinukoy ni Gatchalian na mga halimbawa ng administrative roles ang pagtulong sa pagbabakuna, deworming, halalan, at iba pa na pawang na nakakaapekto sa kalidad ng pagtuturo.

Binanggit din ni Gatchalian na noong 2019, ay pinuna ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na nasasapawan ng mga administrative work ang aktwal na pagtuturo ng mga guro.

Mungkahi ni Gatchalian, maglabas ng pondo para sa limang libong administrative officers sa mga pampublikong elementarya at high school sa bansa na tututok sa mga trabahong administratibo.

Para naman pangmatagalang solusyon ay pinapatiyak ni Gatchalian na may sapat na bilang ng non-teaching personnel batay sa school structure at staffing pattern.



Main Menu

Secondary Menu