Bilang kinatawan ng Bicol Saro sa Kongreso, ang una pong panukalang batas na ating inihain kasama si Camarines Sur Cong. LRay Villafuerte ay patungkol sa lalong pagpapahusay ng edukasyon ng mga Bicolano.

Ang House Bill 7301 ay may layuning magtayo ng campus ng Philippine Science High School (PSHS) sa bayan ng Libmanan ng Camarines Sur.

Sa kasalukuyan po ay may Bicol campus ang PSHS sa Goa, Camarines Sur, pero napakalayo nito sa Libmanan. Halos 90 kilometro ang layo ng Libmanan sa Goa. Kung dadaan ng highway, ang pinakamabilis na ay mula isang oras at kalahati hanggang sa mahigit dalawang oras na pagbiyahe sa pagitan ng dalawang lugar.

Kung ikukumpara po sa Goa na tinatayang may mahigit na 71,000 katao ang nakatira, ang Libmanan ay di-hamak na mas malaki na may mahigit 112,000 ang populasyon.

Ang ating pangarap ay maging sentro ng edukasyon ang Camarines Sur sa Bicol Region at buong Southern Luzon. Hindi lang po mga oragon ang mga Bicolano, mga matatalino at topnotcher din sa larangan ng science at mathematics.

Nito lang nakaraang taon, dalawang Bicolano po na tubong Sorsogon—si Jaymel Hiloma, at mula Camarines Sur—si Jay Prado, ang nasa Top 10 ng mga pumasa sa Registered Electrical Engineer Licensure Examinations. Si Hiloma ay pang-anim at si Prado ay pangwalo sa mga topnotchers sa September 2022 exams.

Noon namang 2021, isa ring Bicolano, si Rovin Jay Sallena na taga-Albay, ang pumangatlo sa Top 10 ranking sa Mining Engineering Licensure Examinations.

Ang humamig po ng Top 3 rankings sa Civil Engineering Board Exams noong 2018 ay Bicolano lahat. No. 1 si Jaydee Lucero na taga-Camarines Sur, No. 2 si Norejun Osial na taga-Albay, at No. 3 si John Rey Pacturanan na tubong -Camarines Sur din.

Ang yumaong 2010 Ramon Magsaysay awardee na si Dr. Ma. Victoria Carpio-Bernido na isang batiking theoretical physicist ay tubong Bicol din. Lingid sa kaalaman ng marami, si Dr. Carpio-Bernido po ay sa Naga City nag-aral. Siya at ang kanyang asawa na isang batikang physicist rin—si Dr. Christopher Bernido—ay ang namuno noon sa Institute of Physics ng University of the Philippines sa Diliman.

Iniwan po nila ang kanilang mataas na posisyon sa UP para lumipat sa Bohol, ang home province ni Dr. Chris Bernido. Nagturo sila sa isang maliit na private high school doon at humubog ng marami pang mga scientists na tulad nila. Para kay Dr. Carpio-Bernido, ang kahirapan ay hindi dapat maging hadlang sa pagkakaroon ng mataas na kalidad ng edukasyon at sa pagpukaw ng interes ng mga kabataan sa Science at Mathematics.

Dahil dito, silang mag-asawa ay pinagkalooban ng Ramon Magsaysay Award, ang kinikilalang Nobel Prize of Asia. Binigyang-parangal ng Ramon Magsaysay Award Foundation ang kanilang malaking ambag sa siyensiya at sa bansa.

Ayon sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS), ang Pilipinas ay malaki ang magiging kakulangan sa mga magtatrabaho sa hanay ng engineering, mathematics, statistics, physical sciences at life sciences pagdating ng taong 2025. Kailangang mapalakas ang tinatawag na Science, Technology, Engineering and Mathematics (STEM) strand sa senior high school para maagapan ang napipintong shortage ng mga science-based workers sa bansa. Sila pa naman ang mga kailangan ng ating ekonomiya para makasabay tayo sa Digital Age.

Isang paraan para mabigyan ng solusyon ang kakulangan ng science-based workers ay ang paghubog ng galing at talino ng mga mag-aaral na mahuhusay sa Science at Mathematics. Ito po ang dahilan kaya ang unang ginawang hakbang ng inyong lingkod ay mag-file ng bill para makapagpatayo ng science high school sa Libmanan.

Sana ay mapadami pa ang pagpapatayo ng science high schools sa labas ng Metro Manila, lalo na sa Bicol kung saan ang mga kabataan ay matagal ng pinapatunayan ang kanilang kahusayan sa siyensiya. Maurag ang mga Bicolano. Huwag sanang maging hadlang ang kahirapan para mahasa ang kanilang galing at patuloy na maipamalas sa lahat na ‘basta Bicolano, Saro!



Main Menu

Secondary Menu