Siyam sa sampung mga Pilipinong sampung taong gulang ang hindi marunong bumasa o umunawa ng simpleng kuwento. Ito’y katumbas ng learning poverty na mahigit 90.5%. Ito ay ulat mula sa UNICEF, UNESCO at ng World Bank na pinamagatang “Where are we on Education Recovery.”
Ngayong ratipikado na sa Senado ang bicameral conference committee report sa paglikha ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM II, titiyakin nating tutugunan nito ang krisis na bumabalot sa sektor ng edukasyon.
Bago matapos ang 18th Congress noong nakaraang linggo, niresolba ng bicameral conference committee report ang mga pagkakaiba ng House Bill No. 10308 at Senate Bill No. 2485. Ang panukalang batas ay kikilalanin na bilang “Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) Act.” Mandato ng EDCOM II ang pagsasagawa ng komprehensibong pagrepaso at pagsuri sa buong sektor ng edukasyon. Ito ay upang magpanukala ng mga reporma upang isulong ang pagiging globally competitive ng bansa sa education at labor markets.
Bahagi ng gagawing pag-aaral ng EDCOM II ang pagtupad sa mga mandatong itinakda ng batas para sa Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Magrerekomenda ang komisyon ng mga tiyak at napapanahong mga solusyon upang maghatid ng dekalidad at abot-kayang edukasyong naaayon sa mga pandaigdigang pamantayan.
Bibigyan ang Komisyon ng tatlong taon upang tuparin ang mandato nito. Habang ang Philippine Institute for Development Studies (PIDS) naman ang magsisilbing Research Arm ng Komisyon upang magsagawa ng mga pag-aaral at magbahagi ng kanilang pagsusuri sa paglikha ng mga polisiya sa edukasyon.
Sa pamamagitan ng panukalang EDCOM II, mabibigyan natin ng kaukulang pansin ang krisis sa sektor ng edukasyon, lalo na’t pinalala ito ng COVID-19. Kung nais natin iangat ang kalidad ng edukasyon para sa ating mga kabataan at tiyakin ang maganda nilang kinabukasan, hindi na natin maaaring ipagpaliban ang pagpapatupad ng mga kinakailangang reporma.
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts, and Culture, sponsor at isa sa mga may akda ng naturang panukala, nagpapasalamat ang inyong lingkod sa mga co-author nito — sina Senator Sonny Angara, Minority Leader Senator Franklin Drilon, Senator Grace Poe, Senator Joel Villanueva, Senator Imee Marcos, Senator Nancy Binay, Majority Leader Senator Migz Zubiri at Senator Cynthia Villar.