Nasa isang porsyento lamang ng mga babae sa bansa ang sumasailalim sa screening para sa breast at cervical cancer.
Ayon sa datos ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), mayroong 27,000 bagong kaso ng breast cancer ang naitatala at 9,000 babae naman ang namamatay sa sanhi nito kada taon.
Sinabi ni Anakalusugan party-list Rep. Ray Reyes na ang isang porsyento ay nangangahulugan na 540,000 lamang sa 54 milyong Pinay ang sumailalim sa cancer screening.
“We need to make these accessible to people in the provinces and unburden them from the unnecessary travel and other expenses in order for them to avail of these much needed services,” sabi ni Reyes.
Ikinalungkot ni Reyes na masyado umanong napag-iwanan ang bansa sa cancer screening na mahalaga para agad na matukoy kung ang isang babae ay may cervical o breast cancer at maagapan ito.
Ayon kay Reyes umabot na sa 20% ang screening rate ng Malaysia at Thailand.