Noong isang araw, nagsagawa ako ng workshop hinggil sa macroeconomics para sa isang grupo ng young leaders and influencers. Bilang panimula ay nagbigay ako ng quiz para malaman kung gaano ka-pamilyar ang mga participants sa ekonomiya ng Pilipinas.
Isa sa mga tanong ko ay: Ayon sa gobyerno, ilan ang mahihirap na Pilipino noong 2021? 10 milyon, 15 milyon, o 20 milyon?
Lagpas kalahati sa participants (57%) ang nagsabing 15 milyon. Pero ang totoong numero ay ’di hamak na mas malala: 20 milyon. 29% lang sa kanila ang nakakuha ng tamang sagot.
Ito mismo ang mga numerong ibinalita ng Philippine Statistics Authority o PSA noong Agosto 15. (Ang eksaktong bilang ng mahihirap ay 19.99 milyon.)
Makikita sa Figure 1 na mas malaki ito sa 17.67 milyong mahirap na Pilipino noong 2018, kung kailan huling isinagawa ang survey ng gobyerno upang sukatin ang kahirapan (tuwing tatlong taon lang iyon ginagawa).
Ibig sabihin, 2.3 milyong Pilipino ang nadagdag sa mahihirap sa loob ng tatlong taon. (Noong Agosto 2020, sa bandang simula ng pandemya, inasahan na ng isang pag-aaral mula sa Philippine Institute for Development Studies na maaaring umabot sa 1.5 milyon hanggang 5.5 milyon ang madadagdag sa mahihirap, depende sa laki ng ayudang makukuha mula sa gobyerno.)
Baka isipin ng ilan na ’di naman nakaaalarma masyado ang 2.3 milyong dagdag na mahirap dahil tumaas din ang populasyon ng bansa: mula 107 milyon noong 2018 hanggang 110.88 milyon noong 2021.
Pero kung susuriin mula sa Figure 1, tumaas din ang bilang ng mahihirap bilang porsiyento ng populasyon (tinatawag din itong “poverty incidence”): mula sa 16.7% noong 2018, umakyat ito muli sa 18.1% noong 2021.
Sa madaling sabi, ’di maitatangging lumala talaga ang kahirapan. Sa giyera kontra kahirapan, nakaranas tayo ng matinding setback.
Noong lumabas ang poverty statistics noong 2018, ipinagmalaki pa ng Duterte administration na naranasan ng bansa ang pinakamabilis na pagbaba ng antas ng kahirapan. Mahigit 6 milyon daw kasi ang nabawas sa bilang ng mahihirap, at nakamit daw iyon apat na taon bago ang deadline na itinakda nila sa kanilang sarili.
Ngunit ang poverty incidence noong 2021 na 18.1% ay lagpas-lagpas sa 15.5%-17.5% target ng gobyerno para sa taong iyon, ayon sa Updated Philippine Development Plan (PDP) 2017-2022. Adjusted na iyon dahil sa pandemya; ang orihinal nilang target ay ibaba ang poverty incidence sa 14% pagdating ng 2022.
Samakatuwid, mas malala ang kahirapan kumpara sa tinarget ng gobyerno.
Kapag hinimay ang datos sa mga rehiyon (Figure 2), lumalabas na pinakadumami ang mahihirap sa Central Visayas, kung saan mahigit 850,000 ang nadagdag sa mahihirap. Sinundan ito ng Central Luzon (+593,000) at Calabarzon (+574,000).
Sa kabilang banda naman, pinakanabawasan ang mahihirap sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM (891,935 ang nabawas). Magandang mapag-aralan bakit maganda ang mga figures sa kanila.
Saan makararating ang P18 mo?
Pagkalabas ng poverty statistics ng PSA, lumutang ang mga artikulong nagsasabing kapag afford mo ang meal na P18 ang halaga, hindi ka na mahirap. Saan galing ito?
Karaniwang sinusukat ang kahirapan sa isang bansa o lugar sa pamamagitan ng “poverty threshold” o halaga ng pera na kapag ’di mo kayang kitain sa isang taon, ay maituturing ka nang mahirap.
Para sa 2021, ang poverty threshold ay P28,871. Kung mas mababa roon ang kita mo sa isang taon, mahirap ka. Lumalabas nga na 20 milyong Pilipino ang hindi umaabot diyan ang kita sa isang taon. Nakalulungkot.
Kung ’di mo naman afford ang P20,111 sa isang taon para sa pagkain, ikaw ay maituturing na “food poor.” Kahit minimum na kailangang pagkain ay ’di mo afford. Kung hatiin mo iyon sa 365 araw, ang kaya mo dapat para sa pagkain ang P55 kada araw. At kung tatlong beses kang kakain sa isang araw, afford mo dapat ang P18.3 kada meal.
Mahirap mang i-imagine kung ano ang mabibili ng P18 sa isang kainan, nakapanlulumong malaman na noong 2021 ay 6.5 milyong Pilipino (5.9% ng populasyon) ang food poor. Iyon ay humigit-kumulang katumbas ng pinagsamang populasyon ng Laguna at Pangasinan noong 2020.
Bukod dito, malamang ay mas marami pa ang maituturing na mahirap kung mas realistic ang food threshold na ginagamit ng gobyerno.
Ang P18 kada meal kasi ay base sa itinatakdang “menu” o “kombinasyon ng mga pagkain na kailangan upang matugunan ang minimum nutritional needs” ng isang tao. Ang menu na iyon ay nanggagaling sa Food and Nutrition Research Institute (FNRI). At least daw, dapat ay makuha ng isang tao ang 100% ng Recommended Dietary Allowance para sa energy (2,000 calories) at 80% adequacy para sa ibang nutrients.
Ipinapakita sa Figure 3 ang halimbawa ng “nutritionally adequate” na menu para sa isang araw, para sa adults.
Base sa FNRI menus (na nagbabago depende sa rehiyon, at kung ang isang lugar ay urban o rural), inaalam ng PSA ang halaga ng perang kailangan upang mabili ang menus na iyon, gamit ang mga pinakamababang mga presyo sa merkado. Doon nagmumula ang food thresholds sa buong bansa, na iba-iba rin depende sa lugar.
To be fair, malinaw naman ang PSA sa pagsasabing hindi pamantayan ng “disenteng buhay” ang kanilang poverty at food thresholds. Hindi rin iyon “rekomendasyon ng kung ano ang halaga na kinakailangan ng isang mag-anak sa kanilang buwanang budget.” Sa halip, “nilalarawan ng [threshold] ang perang makabibili ng minimum basic needs.”
Pero dapat siguro nating tanungin: Sapat ba ang assumption na 2,000 calories kada araw kada tao? Kailan ba huling napagtanto iyon? Dapat na bang i-update? At liban sa food threshold, ano ang threshold para sa ibang bagay tulad ng renta, edukasyon, at kuryente?
Baka naman may mga paraan para pagbutihin o gawing mas realistic ang pagsukat ng gobyerno ng kahirapan. (BASAHIN: How well are we measuring PH poverty?)
Masyadong ambisyoso?
Klarong-klaro na umatras ang Pilipinas pagdating sa pagsugpo sa kahirapan. At least, ’di tayo nag-iisa. Ayon sa Asian Development Bank, umatras nang dalawang taon ang Asia-Pacific region sa poverty reduction, at magiging mas mahirap ang pag-ahon sa kahirapan kahit na nagrerecover na ang mga ekonomiya sa rehiyon.
Pero dapat nating bantayan: Ano ang mga polisiya at programang puwedeng ilatag at ilunsad ng administrasyong Marcos upang mabawasan ang kahirapan sa lalong madaling panahon?
Napakaambisyoso pa naman ng target ng Marcos administration. Sa kanyang unang State of the Nation Address, sinabi ni Pangulong Marcos na target ng kanyang gobyernong gawing 9% o single-digit na lang ang poverty incidence sa 2028 – kalahati ng kasalukuyang numero.
Suntok sa buwan ito, sa tingin ko. Pero malay natin. Baka puwede naman – kung babawasan ang pagpa-party at higit pang tututukan at sisipagan ang paglutas sa mga problema ng bayan.