Hindi ito masyadong umagaw ng atensiyon sa balita, pero noong Disyembre 17 ay inanunsiyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pinakabagong datos hinggil sa lagay ng kahirapan sa Pilipinas.
Importante ito dahil 2018 pa mula noong huling nag-anunsiyo ng poverty statistics ang gobyerno. (Kada tatlong taon lang kasi ginagawa ang survey na pinagbabasehan nito, at kahit gusto ng gobyerno ay mahirap magpa-survey noong 2020 sa umpisa ng pandemya.)
At sa gitna ng COVID-19, kailangang-kailangan ang datos upang malaman kung gaano kalaki ang ayuda na dapat ibigay sa mga mamamayan, at sino-sino ang dapat makatanggap noon. Kung tutuusin, huli na ang datos dahil wala na ang lockdowns, at kahit papaano’y bumuti na ang lagay ng COVID-19 sa bansa. Pero, sige, suriin natin ang datos.
Lumalabas na sa unang kalahati ng 2021, 26.1 milyong Pilipino (o 24% sa atin) ang maituturing na mahirap.
Mas mataas iyon nang 3.88 milyon kumpara noong unang kalahati ng 2018 (kung kailan 22.3 milyon o 21% lang ang naghirap).
Napakalaki ng itinaas ng bilang ng mahihirap sa buong bansa mula 2018. Kung halos 6 milyon ang nabawas sa mga mahihirap mula 2015 hanggang 2018, nabura ang “gains” na iyon pagdating ng 2021. Kung tutuusin, humigit-kumulang 2 milyon na lang ang ibinawas sa mahihirap mula 2015 hanggang 2021.
Siyempre, maaaring sisihin ang pandemya, na nagdulot ng pinakamalalang krisis pang-ekonomiya mula noong sa Batas Militar ni Marcos noong mid-1980s. (Ayon sa datos, iyon pa rin ang pinakamalalang krisis pang-ekonomiya ng bansa mula World War II – hindi dinaig ng COVID-19.)
Ngunit mapapaisip ka: aabot kaya sa halos 4 milyon ang nadagdag sa mahihirap kung sapat at naging mabilis ang pamimigay ng ayuda sa gitna ng pandemya? Kung hindi sumentro sa lockdowns ang naging tugon ng gobyerno? Kung naging tama ang budget priorities ng mga mambabatas? Kung hindi nasayang ang pondo ng bayan at kinurakot sa mga maanomalyang transaksiyon tulad ng Pharmally? (BASAHIN: LIST: Everything you need to know about the Pharmally pandemic deals scandal)
Sa madaling sabi, puwede sanang mas mababa ang antas ng kahirapan ngayong 2021 kung inayos lang ng gobyerno ang trabaho nito.
Understated?
Actually, may mga dahilan din kung bakit maaaring kulang pa ang itinaas ng antas ng kahirapan.
Una, ang comparison ay 2018 versus 2021. Ngunit malamang mas marami pa ang naghirap noong 2020, sa unang bugso ng COVID-19 at kasagsagan ng lockdowns. Ayon sa paunang estimate ng Philippine Institute for Development Studies o PIDS, maaaring umabot sa 5.5 milyon ang madadagdag sa mahihirap kung ’di makatanggap ng sapat na ayuda mula sa gobyerno.
Ang problema, ’di na ito nakita sa datos dahil sadyang mabagal ang pagkolekta ng gobyerno ng poverty statistics. Wala tayong real-time estimate nito (babalikan natin ang puntong ito mamaya).
Pangalawa, kailangan na nating i-update ang paraan kung paano natin sinusukat ang kahirapan sa bansa.
Sa mata ng gobyerno, mahirap ang isang pamilya na may 5 miyembro kung ang kita nito sa isang buwan ay mas maliit sa “poverty threshold,” o minimum na gastos sa pagkain at iba pang basic na pangangailangan. Ayon sa PSA, ang threshold na ito ay nasa P12,082 kada buwan ngayong unang kalahati ng 2021.
Nakabase ang poverty threshold na ito sa halaga ng isang “food menu” na may minimum calories na dapat makonsumo ng mga miyembro ng pamilya sa isang araw. Ngunit ayon sa statistician na si Dr. Jose Ramon Albert, senior research fellow ng PIDS, humigit-kumulang 10 taon na ang food menu na ginagamit ng gobyerno, at kailangan nang i-update.
Kung gagawin iyon, malamang higit sa 24% ang mahihirap sa bansa.
Kahirapan sa mga rehiyon
Kumusta naman ang mga rehiyon?
Makikita sa Figure 1 na lumala ang kahirapan sa maraming rehiyon ng Pilipinas mula 2018 hanggang 2021 – lalo na sa Central Luzon, Calabarzon, at Central Visayas.
Ngunit hindi lahat ay losers. In fact, may kaunting rehiyon (BARMM, Davao, Zamboanga Peninsula, at Cordillera Administrative Region o CAR) kung saan kumonti ang mahihirap imbes na dumami.
Halimbawa, sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, nabawasan nang mahigit 583,000 ang mahihirap; sa Davao, mahigit 180,000; sa Zamboanga Peninsula, mahigit 60,000; sa CAR, mahigit 22,000. “Statistically significant” ang nabawas sa mga rehiyong ito, maliban sa Zamboanga Peninsula.
Magandang mapag-aralan kung anong nangyari sa mga rehiyong ito.
Sa BARMM, nakatulong ba ang pagbuhos ng pondo at ayuda para sa rehabilitasyon ng Marawi City matapos ang giyera roon noong 2017?
Makikita sa provincial data na Lanao del Sur ang most improved province sa BARMM (mahigit 636,000 ang nabawas na mahihirap doon). May pagbawas din sa Maguindanao (mahigit 102,000) at Balisan (mahigit 39,000).
Pero, sa kabilang banda, nadagdagan naman ang mahihirap sa Tawi-Tawi (nang mahigit 100,000) at Sulu (mahigit 94,000).
Malaki rin ang ibinawas ng kahirapan sa Davao Region kahit nagkaroon na ng pandemya. Ito ba ay dahil sa kaliwa’t kanang investments at proyekto ng administrasyong Duterte sa rehiyon, dahil taga-Davao City si Pangulong Duterte?
Ayon sa datos, biggest winners sa rehiyon ang Davao Occidental (nabawasan nang mahigit 139,000 ang mahihirap) at Davao del Sur (mahigit 66,000). Pero dumami naman nang lagpas 60,000 ang mahihirap sa Davao Oriental.
Samakatuwid, kung may ganansiya man ang Davao Region mula sa administrasyong Duterte, hindi lahat ng probinsya roon ay nakinabang.
Paano bibilisan ang pagsukat?
As expected, sa pangkalahatan, lumala talaga ang kahirapan dahil sa pandemya. Ngunit huli na nating nakita ang datos. Maganda sanang may ideya tayo sa lagay ng kahirapan noong simula ng pandemya, hindi pagkaraan pa ng 21 buwan.
Bagama’t may alternatibong quarterly poverty statistics mula sa Social Weather Stations (SWS), hindi rin sila nakapag-survey noong kasagsagan ng lockdowns noong 2020. Iba rin ang kanilang methodology at hindi naka-capture ang pagtaas ng kahirapan mula 2018 hanggang 2021: mula Hunyo 2018 hanggang Hunyo 2021, hindi nagbago sa 48% ang mahihirap ayon sa SWS (Figure 2).
Bukod sa mas mabilis (if not real-time) na poverty statistics, kailangan din natin ng mas pino o granular na datos upang makita ang antas ng kahirapan sa iba’t ibang munisipyo at siyudad – imbes na sa national at regional levels lang. Puwedeng gawing basehan iyon kung saan pinakakailangan (at dapat ipadala) ang ayuda.
Kahit papaano’y may ganoong datos naman ang gobyerno: ang tawag doon ay “small area estimates” of poverty. Ngunit inilabas nila ang datos para sa 2018 nito lamang Disyembre 15, 2021. Mabagal din.
Nag-e-explore na rin ang gobyerno ng alternative methodologies.
Halimbawa, sa 2018 small area estimates, nag-eksperimento ang PSA at gumamit ng nighttime lights data (o satellite imagery data ng liwanag sa gabi) upang makakuha ng mas accurate na poverty statistics sa Zamboanga Peninsula.
Bakit nighttime lights? Maaari kasing proxy iyon sa kaunlaran sa isang lugar: kung mas madilim ang isang lugar ’pag gabi, malamang mas mahirap iyon kumpara sa maliliwanag na lugar. Substitute data source ang nighttime lights kung mahirap o mabagal ang pagkolekta ng poverty statistics on the ground.
Sana ma-establish na ang ganitong alternative methodologies, upang hindi naman masyadong nangangapa sa dilim ang ating gobyerno tuwing nagbibigay ng ayuda at rumerespodne sa mga biglaan at malawakang krisis tulad ng COVID-19 pandemic.