LUNGSOD CALOOCAN, Okt. 1 (PIA) --Hindi dapat matabunan ang mga guro ng ibang mga gawain bilang paghahanda ng pagpapatupad sa distance learning, Ilang araw bago magsimula ang klase sa mga pampublikong paaralan, paalala ni Senador Sherwin Gatchalian, na siya rin chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture

Nagbabala ang senador  na kung patuloy na matatabunan ng mga gawain ang guro, maliban sa pagtuturo, ay lalo silang makakaranas ng stress at burnout. Sa bandang huli, ang kalidad ng pagtuturo para sa mahigit dalawampu’t dalawang (22) milyong mag-aaral sa mga pampublikong paaralan ang maaapektuhan.

Dagdag ng mambabatas, ang pangangalaga sa kapakanan ng mga guro ay isang pagkilala sa sakripisyo nila upang maipagpatuloy ang edukasyon sa gitna ng pandemya.

Ang workload ng mga guro ang isa sa mga isyung tinalakay sa isang pandinig sa Senado ukol sa pagbubukas ng klase. Ayon kay Philippine Elementary School Principals Association (PESPA) president Dr. Ferdinand Millan, dapat maghinay-hinay ang Department of Education o DepEd sa pagbibigay ng iba pang mga gawain o aktibidad sa mga guro upang hindi sila mapagod.

Sa naturang pandinig, napag-alaman ni Gatchalian na ang mga guro at punong-guro ay nagsasagawa ng “multi-tasking” bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase sa Lunes, ika-5 ng Oktubre. Maliban kasi sa paghahanda ng mga learning materials tulad ng self-learning modules, kailangan ding makibahagi ng mga guro at punong-guro sa mga webinar at mga courses sa iba’t ibang pamamaraan ng pagututuro.

Upang matugunan ang mga hamong ito, pangungunahan ni Gatchalian ang isang pagdinig upang masuri ang pagpapatupad ng Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670), isang batas na inihain ng senador na layong balikan ang mga naging pagkakamali o pagkukulang hinggil sa pagtataguyod ng kapakanan ng mga guro sa mga pampublikong paaralan. Sa ilalim ng naturang batas, hindi dapat lalagpas ng anim (6) na oras ang ilalaan ng mga guro para sa pagtuturo. Kung sakaling lumagpas sa anim na oras ang pagtuturo at kailangan nilang magsagawa ng karadagdang tungkulin, maaaring makatanggap ng karagdagang bayad ang mga guro.

Sa kabila ng mga probisyon sa batas na nabanggit, natatabunan pa rin ang mga guro ng mga gawaing walang kinalaman sa pagtuturo. Bago pa tumama ang pandemya ng COVID-19, isa na itong suliranin na kinakaharap ng mga guro, paliwanag ni Gatchalian.

Maliban sa pagtuturo, nabibigyan din ang mga guro ng karagdagang tungkulin na may kinalaman sa pagba-budget, pagresponde sa mga sakuna, at sa kalusugan ng mga mag-aaral. Ito ay ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies o PIDS. Ayon pa sa naturang pag-aaral, inaasahan din ang pakikilahok ng mga guro pagdating sa mga programang tulad ng pagbabakuna, deworming, school feeding, at halalan.

“Ang ating mga guro at punong-guro ay maituturing nating mga frontliners sa pagpapatuloy ng edukasyon sa kabila ng banta ng COVID-19. Bahagi ng ating pangangalaga sa kanilang kapakanan ay ang panigurong hindi sila natatabunan ng napakaraming gawain. Kung sa simula pa lang ng klase ay pagod na ang ating mga guro, hindi magiging lubusang mabisa ang pagtuturo kung hindi sila nakatutok nang husto dito,” ani Gatchalian.

“Saksi tayo sa mga sakripisyo ng mga guro na ginagawa ang lahat ng makakaya para lamang matugunan ang pangangailangan ng sistema ng edukasyon ngayong new normal. Hindi sila humihinto sa kanilang pagsisikap para masigurong magiging maayos ang lahat pagdating ng pasukan. Saludo ako sa mga guro!” dagdag pa ng senador. (PIA NCR)



Main Menu

Secondary Menu