Sa paggunita ng International Day of Persons with Disabilities, muling binigyang diin ni Senador Win Gatchalian ang kahalagahan ng angkop na edukasyon para sa learners with disabilities o mga mag-aaral na may kapansanan.
Sabi ni Gatchalian, may limang milyong mga kabataan ang may kapansanan sa bansa ayon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at halos kalahating milyon (439,700) sa kanila ang nag-aaral sa mga pampublikong paaralan.
Sa isang survey noong nakaraang Mayo ng organisasyong Save The Children, halos kalahati sa mahigit apat na libong (4,066) mga respondent nila ang nagsabing naantala ang kanilang pag-aaral dahil sa pagpapatupad ng lockdown.
Bago pa sumiklab ang pandemya ng COVID-19 sa bansa, hirap na aniya ang maraming mga kabataang may kapansanan na makatanggap ng edukasyon.
Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), ang mga problemang pinansyal at kakulangan sa mga pasilidad sa edukasyon ang itinuturong mga pangunahing dahilan kung bakit maraming kabataang may kapansanan ang hindi makapag-aral.
Ang mga hamong ito ang layong matugunan ng Senate Bill No. 1907 o ang “Instituting Services and Programs for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act,” kung saan si Gatchalian ang isa sa mga may akda.
Sa ilalim ng panukalang batas, walang mag-aaral na may kapansanan ang maaaring pagkaitan ng pagkakataon na pumasok sa isang pampubliko o pribadong paaralan para sa kanyang basic education.
“Sa ating pagbangon mula sa pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19, kailangang siguruhin nating tinutugunan ng ating sistema ng edukasyon ang pangangailangan ng ating mga mag-aaral at kabataang may kapansanan. Sa pamamagitan ng mga reporma at panukalang batas na ating isinusulong, mas matitiyak natin na walang batang may kapansanan ang maiiwan sa ilalim ng new o better normal,” ani Gatchalian.
Sa ilalim din ng panukalang batas, ang Department of Education (DepEd) at local government units (LGUs) ay magpapatayo at magpapatakbo ng mga Inclusive Learning Resource Centers (ILRC) sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa. Layon ng mga ILRCs na ito na maghatid ng mga libreng support services at mga programa para sa mga mag-aaral na may kapansanan.
Bawat ILRC ay magkakaroon ng mga multidisciplinary team na binubuo ng mga ekspertong tulad ng mga special education teachers, psychologists, guidance counselors, social workers, interpreters at iba pang allied medical professionals. Ang mga ILRC rin ang nakatakdang magpatupad ng Child Find System (CFS) na hahanap at susuri sa mga kabataang may kapansanan na hindi nakakapag-aral.
Sa ilalim pa rin ng naturang panukala, bawat mag-aaral na may kapansanan ay gagawan ng Individualized Education Plan (IEP) na bubuuin ng multidisciplinary team sa tulong ng mga paaralan at mga child development centers. Layunin ng bawat IEP na matugunan ang pangangailangang pang-edukasyon ng bawat mag-aaral at matukoy ang mga programa at serbisyong kakailanganin nila.
Edukasyon para sa bawat mag-aaral na may kapansanan isinusulong