LUNGSOD CALOOCAN, Set. 23 (PIA) -- Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Commission on Higher Education o CHED na bigyang prayoridad ang automation sa pag-reimburse ng matrikula at iba pang mga bayarin ng mga pambublikong kolehiyo at pamantasan.

Ito ay upang maging mas maayos ang pagpapaptupad ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act 10931) na kilala rin bilang Free College Education Law. Sa ilalim kasi ng mga pamantayan ng CHED at ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education o UniFAST, dapat munang magsumite ang mga kolehiyo at mga pamantasan ng kanilang mga billing at iba pang dokumento bago sila mabayaran.

Bagama’t iniulat ng CHED na walumpung (80) porsyento na ng State at Local Universities at Colleges (SUCs) ang nabayaran para sa ikalawang semestre ngayong taon, may labindalawa (12) pa rin sa mga paaralang ito ang hindi pa nababayaran. Ayon kasi sa CHED, hindi pa naisusumite ng mga paaralang ito ang mga kinakailangang dokumento para makumpleto ang bayad sa kanila.

“Dapat nating ayusin ito dahil hindi maaaring ganito na lang ang problema taon-taon. Alam naman nating kailangang kailangan ng mga SUCs at LUCs ang pondo,” ani Gatchalian.

“Kaya natin itong solusyonan gamit ang teknolohiya, ngunit kailangan din natin ang agarang pagkilos,” dagdag ng senador.

Sabi pa ni Gatchalian, maaapektuhan ang operasyon ng mga SUCs at LUCs kung patuloy na maaantala ang reimbursement ng tuition at miscellaneous fees, bagay na mareresolba sana kung automated ang pagproseso sa mga naturang dokumento. Lumabas din sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies o PIDS na kung hindi agad maibigay sa mga SUCs at LUCs ang kanilang mga reimbursement, maaaring maipasa sa mga estudyante ang mga gastusin ng mga paaralan.

May mahigit isang (1.3) milyong estudyante ang kasalukuyang nakikinabang sa libreng kolehiyo. Kalahating milyon (500,000) naman ang tumatanggap ng Tertiary Education Subsidy o TES. Ang TES ay tulong pinansyal para sa mga gastusing may kinalaman sa pag-aaral tulad ng transportasyon, tirahan, mga libro, at iba pa.

Kung magpapatuloy ang suliraning ito, maaaring i-konsidera ang panukalang i-diretso na lamang sa mga SUCs at LUCs ang pondo, ayon kay Gatchalian. Ngunit dapat muna aniyang pag-aralan ng mabuti ang panukalang ito upang mabigyang ng proteksyon ang buwis ng mga mamamayan.

Ayon naman kay CHED Chairman J. Prospero de Vera III, meron nang database ng mga mag-aaral ang UniFAST ngunit inisaayos pa ito upang mapadali ang pakikipag-ugnayan ng Komisyon sa mga mag-aaral.

Si Gatchalian ang isa sa mga may akda ng Free College Education Law. Inihain din niya ang Senate Bill No. 1793 o ang 'Full Digital Transformation Act of 2020' upang paigtingin ang modernisasyon ng mga serbisyo ng pamahalaan. (PIA NCR)



Main Menu

Secondary Menu