Manila, Philippines – Isinulong ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na maglaan ng pondo para sa social amelioration program (SAP) sa panukalang P4.5 trilyong national budget sa 2021.
Ayon kay Drilon, kailangang ipagpatuloy ang SAP dahil mas dumami ang pamilyang Filipino na mas mahirap ngayon at walang pagkain at trabaho dahil sa coronavirus diseasse 2019 pandemic.
Binanggit ni Drilon ang P5,000 hanggang P8,000 na ayuda sa may 18 milyong mahihirap na pamilya sa panahon ng pandemya na dapat ipagpatuloy sa susunod na taon.
Kung hindi umano tataasan ang alokasyo para sa social services sector, lalong lalala ang kahirapan at masasayang ang mga istratehiya para wakasan ito.
Tinataya ng Philippine Institute for Development Studies na may 5.5 milyong Pilipino ang lalong masasadlak sa kahirapan kung walang suporta mula sa gobyerno.
Binigyang-diin pa ni Drilon ang naging pahayag ni acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua na posibleng lumala ang kahirapan sa susunod na taon sa urban areas.
Lumabas din sa pinakauling SWS survey sa kagutuman na tinatayang limang milyong pamilya ang nakararanas ng pagkagutom.
Ginawa ni Drilon ang kahilingan makaraang matuklasan ang P469 halaga ng lump-sum appropriations sa National Expenditure Program para umano sa iba’t ibang infrastructure projects na hiniling ng mga kongresista.
Labag umano sa batas ang naturang lump-sum appropriations batay sa kautusan ng Korte Suprema sa pork barrel case.
Samantala, sa Senate briefing, sinabi ni Budget Secretary Wendel Avisado na magsusumite sila ng errata na naglalaman ng listahan ng mga proyektong popondohan mula sa naturang lump-sum appropriations.
Dahil dito, sinabi ni Drilon na hihilingin niya sa Senate committee on finance na maghanap ng excess funds sa budget na pwedeng gamitin para sa SAP. RNT