Kumusta, mga ka-PIDS! Narito ang #PIDSFactFriday ngayong linggo kaugnay ng pagdaraos ng Development Policy Research Month (DPRM) 2022 na nakasentro sa temang “#AlisinAngAgwat: Pabilisin ang Pag-ahon Mula sa Pandemya sa Pamamagitan ng Katarungang Panlipunan”.
Ayon sa isang pag-aaral ng PIDS, nung kasagsagan ng pandemya, dumami ang bilang ng mga “added workers”, o mga kababaihang pumasok sa labor force matapos mawalan ng trabaho ang kanilang mga asawa. Impormal ang mga trabahong pinasok nila. Dahil nahaharap ang karamihan sa mga Pilipinong maybahay sa unpaid care at domestic work, kadalasan ay dagdag-pasanin sa kanila ang panibagong trabahong kanilang pinapasok.
Upang maibsan ang mga ‘di pagkakapantay-pantay na may kinalaman sa kasarian sa sektor ng mga manggagawa, mahalagang i-ayon sa mga prinsipyo ng katarungang panlipunan ang pagbangon ng bansa mula sa pandemya. Isa sa mga dapat tutukan ay ang paglikha ng epektibong social protection programs (gaya ng safety nets, unemployment benefits, at cash assistance) na sasaklaw sa lahat ng manggagawa, ano man ang kanilang trabaho at kasarian. Mahalaga rin na mag-invest sa labor market para sa mga grupong underutilized at may mababang sahod.
Ang #PIDSFactFriday DPRM 2022 Edition ay halaw sa isang paparating na pag-aaral ng PIDS na pinamagatang “Close the Gap: Accelerating Post-pandemic Recovery through Social Justice”.