Mahigit 50 taon na ang nakaraan mula nang maisabatas ang Republic Act No. 4670 o ang Magna Carta for Public School Teachers, ngunit mayroong ilang probisyon patungkol sa pag-aalaga sa kapakanan ng mga guro ang hindi naipatutupad hanggang ngayon.

 Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, inihain ng inyong lingkod ang Senate Resolution No. 522 upang repasuhin ang pagpapatupad ng Magna Carta for Public School Teachers. Isinusulong natin ito upang matukoy ang mga pagkukulang, mga hamon at iba pang mga isyu sa pagpapatupad ng naturang batas.

Ano-ano ba ang mga kakulangan o ‘di kaya ay kawalan ng atensyon sa implementasyon ng batas?

Kabilang sa mga probisyon ng nasabing batas ay ang libre at taunang medical examination bago sumabak ang mga guro sa pagtuturo. Nakakalungkot isipin na hindi nakapaglalaan ng halaga sa taunang budget para sa check-up at pagpapagamot ng mga guro.

 Mas nabigyang-diin pa ang kakulangang ito sa gitna ng pandemya ng COVID-19 na ngayon ay nagbabanta sa kalusugan at kaligtasan ng mga guro sa mga preparasyon para sa pagpapatupad ng distance learning.

Bukod dito, nakasaad din sa Magna Carta na hindi dapat lumagpas sa anim na oras ang pagtuturo at pagtatrabaho ng mga guro.

Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies o PIDS, kadalasan ay natatabunan ang mga guro ng mga gawaing walang kinalaman sa pagtuturo. Kabilang dito ang mga gawaing may kinalaman sa student guidance, pagkwenta ng budget, pagtugon sa mga sakuna, at pagsali sa iba pang mga aktibidad tulad ng pagbabakuna, feeding program, deworming at eleksyon.

 Sabi rin sa Magna Carta, dapat tumataas ang sahod ng mga guro. Pero sa totoo lang, napag-iwanan na ang mga guro pagdating sa sahod ng ibang mga propesyonal sa pamahalaan, kabilang na ang mga sundalo at pulis.

Ating tandaan na ang kalidad ng edukasyon para sa mga susunod na henerasyon ay nakasalalay sa galing at karakter ng mga guro.

Napapanahon nang masuri natin kung paano ba pinangangalagaan ng ating gobyerno ang mga guro, lalo na’t mahalaga ang papel nila sa pagpapatuloy ng edukasyon sa gitna ng pandemya.



Main Menu

Secondary Menu