BAGAMAN bumagsak sa ika-27 mula sa ika-20 puwesto sa English Proficiency Index ngayong taon, nananatili pa ring mahusay sa English language ang mga Filipino.
Ito ang lumabas sa EPI at tinatakan ang Pinoy bilang ‘high proficiency’ level sa English language na nangangahulugan na kayang maipasa ang presentations sa trabaho, maunawaan ang television shows at makabasa ng newspaper sa lenggwaheng Ingles.
Ang resulta ng EPI ay base sa huling pag-aaral ng Education First, na siyang nakadiskubre na bumaba ng pitong hakbang ang Filipinas sa global rankings na pinag-aralan din ng international education company na nakabase sa Lucerne, Switzerland.
Nakamit ng Filipinas ang score na 562 mula sa 700 points, kapos ng 90 points sa Netherlands na may pinakamataas na 652 points.
Gayunman, ang Filipinas ay nananatiling isa sa pinakamataas sa Asya habang ang Singapore ang ika-10 sa global ranking na may score na 611.
Ang English Proficiency Index ay base sa resulta ng EF Standard English Test na isinagawa noong 2019 sa 2.2 million individuals na karamihan ay mag-aaral sa 100 bansa.
Dahil sa magandang komento mula sa international group, ilang sektor ng akademya ang nagmungkahi na purihin ang mga English teacher.
Samantala, hinimok pa ng Philippine Institute for Development Studies ang mga guro at magulang na pag-ibayuhin ang pagtuturo ng wikang Ingles sa kanilang mga estudyante.