Isinusulong ni Senador Sherwin Gatchalian ang isang programang magpapaigting sa kakayahan at kaalaman ng mga magulang at “parent substitutes” na magbigay ng angkop na kalinga sa mga kabataan pagdating sa kanilang edukasyon.
Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 1985 o ang “Parent Effectiveness Service (PES) Program Act” na ipapatupad sa bawat lungsod at munisipalidad upang pangalagaan ang karapatan ng mga kabataan, isulong ang edukasyon at positibong “early childhood development.”
Layunin ng panukala na matulungan ang mga magulang na lalong paghusayin ang pagganap sa kanilang mga responsibilidad, sa kabila ng mga hamong dulot ng pandemya.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na mahalagang magpatupad ng PES program dahil sa panahong ito ay maraming mga mag-aaral ang humaharap sa mga suliraning may kinalaman sa distance learning, mga isyung psychosocial, at mas mataas na panganib na makaranas ng karahasan at pang-aabuso.
Tinukoy rin ni Gatchalian ang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies sa naging resulta ng 2018 Programme for International Student Assessment na ang suporta ng mga magulang ay may kaugnayan sa mga markang nakuha ng mga mag-aaral na lumahok sa pandaigdigang pagsusuri.
Papel ng magulang sa edukasyon ng mga kabataan, dapat paigtingin