MANIL,A Philippines – Nanindigan si Senador Win Gatchalian na dapat tiyaking may mga epektibong hakbang na ipatutupad para sa patuloy na pagbaba ng bilang ng mga batang ina bagama’t bumaba ang bilang ng mga kaso ng maagang pagbubuntis o teenage pregnancy sa bansa
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), iniulat ni Commission on Population and Development (POPCOM) Executive Director Juan Antonio Perez III na may 56,428 na mga sanggol ang isinilang sa mga inang may edad na sampu hanggang labing-pito noong 2020. Mas mababa ito ng 6,082 o sampung porsyento sa 62,510 na naitala noong 2019.
Ayon sa POPCOM, ang ilang paghihigpit sa protocols at mga lockdown, kabilang ang kawalan ng face-to-face classes, ay nakatulong sa pagbaba ng mga kaso ng maagang pagbubuntis. Ngunit babala ng ahensya, maaari pa ring umakyat muli ang mga bilang kapag nawala na ang mga problemang may kinalaman sa pandemya.
Kaya naman para kay Gatchalian, dapat lalo pang paigtingin ng pamahalaan ang mga hakbang nito upang mapigilan ang pagdami ng mga batang ina sa bansa.
Isa na rito ang wastong pagpapatupad ng sexuality education sa mga paaralan. Bagama’t nag-isyu ang Department of Education ng DepEd Order No. 31 s. 2018 upang gabayan ang paghahatid ng comprehensive sexuality education, lumabas sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (2021) ang ilang mga hamon sa pagpapatupad nito.
Sa discussion paper na inilabas ng PIDS noong March 2021, ilan sa mga hamong natuklasan ang kakulangan ng kwalipikadong manpower, sapat na mga pasilidad, mga pagsasanay, mga kagamitan sa pagtuturo, koordinasyon, at monitoring system. Nakita rin sa naturang pag-aaral ang kakulangan sa mga pagsasanay para sa sexuality education curriculum integration.
Ani Gatchalian, makatutulong din ang pagkakaroon ng mas mataas na edad para sa pagtukoy ng statutory rape, lalo na sa pagsugpo ng maagang pagbubuntis sa mga itinuturing na “very young adults.” Sa 56,428 na mga sanggol na ipinanganak sa mga batang ina, limampu’t isa ay anak ng mga batang babaeng may edad na sampu hanggang labing dalawa. Ayon sa POPCOM, maaaring bunga ang mga ito ng statutory rape.
Dagdag pa ng Komisyon, animnapung porsyento ng ama ng mga batang isinilang sa mga batang ina ay may edad na dalawampung taon pataas.
“Upang patuloy nating mapababa ang bilang ng mga batang ina sa mga susunod na taon, dapat nating tiyakin na may sapat tayong mga programa na magbibigay proteksyon sa ating mga kabataan. Dapat nating bigyan ito ng prayoridad dahil madalas napagkakaitan ng magandang kinabukasan ang mga batang ina,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Related Posts
Publications
Press Releases
Video Highlights
Infographics
[No related items]