MAHIGIT sa P700 milyong cash aid ang dapat mapunta sa mga local rice farmer mula sa P10 bilyong rice tariff collection ngayong taon subalit hindi pa umano napapasakamay ng mga magsasaka.
Sa kanyang interpelasyon sa Senate Joint Resolution 8, iginiit ni Senador Kiko Pangilinan na kailangan ng mga rice farmer ng cash assistance bunsod ng masamang epekto sa Rice Tariffication Law kung saan nagkaroon ng liberalisasyon sa pag-angkat ng bigas.
“In fact, ma’am, I am willing to terminate my interpellation this evening if we can get a commitment from the chairperson because the DOF (Department of Finance) has manifested during the budget hearings that they have already collected P10.7 billion as of September 20 this year,” sabi ni Pangilinan.
“In other words, mayroon na pong P700 million na pupwede na pong i-allocate as cash assistance without need to amend the law,” dagdag pa nito.
Batay umano sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, dapat magkaroon ng P15,000 taunang tulong ang gobyerno para sa mga rice farmer na naapektuhan ng Rice Tariffication Law.
Nauna nang inihain ni Pangilinan ang Senate Joint Resolution 2 na naglalayong amyendahan ang batas at payagang magbigay ng P13 bilyong immediate cash assistance na direktang mapupunta sa mga rice farmer.
Nauna nang inamin ng mga magsasaka sa nagdaang mga pagdinig na napipilitan silang ibenta ang kanilang mga palay sa halagang P7 kada kilo, kung saan ang gastos naman nila ay P12 kilo dahil sa oversupply ng mga imported rice sa local na pamilihan.