Tutukuyin ng Senado ang mga estratehiyang ipatutupad sa pagrepaso sa programang K to 12 upang paigtingin ang kahandaan ng mga senior high school graduates pagdating sa trabaho.
Ginawa ni Senador Win Gatchalian ang pahayag matapos himukin ni Vice President at Secretary of Education Sara Duterte ang pribadong sektor na tanggapin sa trabaho ang mga senior high school graduate. Matatandaang naging panawagan din ito ni Trade Secretary Alfredo Pascual noong nakaraang Setyembre.
Bagama’t ipinangako ng K to 12 Law o Enhanced Basic Education Act of 2013 (Republic Act No. 10533) ang kahandaan ng mga senior high school graduate sa trabaho, pinuna ni Gatcha¬lian na maliit na porsyento lamang ng mga graduate na ito ang nagiging bahagi ng labor force.
Ayon sa isang 2020 discussion paper ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), mahigit 20% lamang ng mga K to 12 graduate ang nagiging bahagi ng labor force, samantalang mahigit 70% ang nagpapatuloy sa kanilang pag-aaral.
Lumalabas din sa parehong pag-aaral na hindi nakakaangat sa mga nakatapos ng grade 10 ang mga nakatapos sa grade 12 pagdating sa mga labor outcome.
Dagdag pa ng pag-aaral, hindi rin nakakaangat sa mga labor outcome ang mga nakatapos ng ikalawang taon sa kolehiyo kung ihahambing sa mga nakatapos ng senior high school.
“Sa gagawin nating pag-aaral ng K to 12, tututukan natin kung paano natin matutupad ang pangakong trabaho para sa mga graduate ng senior high school,” ani Gatchalian, chairman ng Senate committee on basic education.
“Kailangang maramdaman ng ating mga magulang na hindi lamang dagdag gastos, kundi may totoong benepisyo ang dagdag na dalawang taon sa high school,” dagdag pa niya.