Niratipikahan na sa Senado ang bicameral conference committee report sa paglikha ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM II.
Niresolba ng bicameral conference committee report ang mga pagkakaiba ng House Bill No. 10308 at Senate Bill No. 2485.
Ang panukalang batas ay kikilalanin na bilang “Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) Act.” Mandato ng EDCOM II ang pagsasagawa ng komprehensibong pagrepaso at pagsuri sa buong sektor ng edukasyon.
Ito ay upang magpanukala ng mga reporma upang isulong ang pagiging globally competitive ng bansa sa education at labor markets.
Bahagi ng gagawing pag-aaral ng EDCOM II ang pagtupad sa mga mandatong itinakda ng batas para sa Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Magrerekomenda ang komisyon ng mga tiyak at napapanahong mga solusyon upang maiangat ng mga ahensya ng edukasyon ang kanilang kakayahang maghatid ng dekalidad at abot-kayang edukasyong naaayon sa mga pandaigdigang pamantayan.
Bibigyan ang komisyon ng tatlong taon upang tuparin ang mandato nito. Ang Philippine Institute for Development Studies (PIDS) naman ang magsisilbing Research Arm ng Komisyon upang magsagawa ng mga pag-aaral at magbahagi ng kanilang pagsusuri sa paglikha ng mga polisiya sa edukasyon.
Bukod kay Sen. Win Gatchalian, ilan pa sa mga co-author ng panukala ay sina Senador Sonny Angara, Minority Leader Senador Franklin Drilon, Senador Grace Poe, Senador Joel Villanueva, Senador Imee Marcos, Senador Nancy Binay, Majority Leader Senador Migz Zubiri, at Senador Cynthia Villar.