MANILA, Philippines — Dapat na mabenipisyuhan din ng Pantawid Pasada Program ng gobyerno ang mga middle class na apektado rin ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at hindi lamang mga mahihirap.
Kasabay nito, sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian na suportado rin niya ang pagtaas ng gobyerno sa fuel subsidies dahil nagdudusa na ang mga consumers sa ika-11 beses na oil price hike ngayong linggo.
Ayon pa kay Gatchalian, ang nakikita lamang niyang depekto sa Pantawid Pasada ay hindi natutulungan ang mga nasa middle class na bumibili rin ng mga sasakyan dahil ang public transportation ay masikip at hindi episyente.
Puna pa ng Senador na kahit mataas ang presyo ng petrolyo ay marami sa mga mayayaman ay hindi naman nagpalit ng habit sa pagbabawas ng biyahe.
Kaya sa halip na fuel excise tax suspension, hinikayat nito ang gobyerno na magbigay ng tulong sa mga vulnerable sectors sa pamamagitan ng Pantawid Pasada program.
Ayon sa Philippine Institute for Development Studies, ang kahulugan ng gobyerno sa middle class ay ang mga mayroong income sa pagitan ng dalawa hanggang 12 beses na poverty line o tinatayang P24,000 at P145,000 family income.
Iginiit naman ni Gatchalian na dapat pa rin pag-aralang mabuti ang panukalang pagsuspinde ng fuel excise tax dahil maaaring maubos ang kita ng gobyerno.