Nanawagan ang isang mambabatas sa gobyerno na palawakin ang Pantawid Pasada Program ng gobyerno upang mabigyan ng fuel subsidy, hindi lang ang mga mahihirap kundi pati na ang mga nasa middle class ng lipunan.
“Ang nakikita ko lang defect sa Pantawid Pasada ay hindi natin natutulungan ‘yong middle class natin. Marami sa middle class bumibili nang sasakyan dahil alam naman natin ‘yong public transportation natin ay masikip at hindi ganon kaepisyente,” giit ni Senador Sherwin Gatchalian sa TeleRadyo Serbisyo.
Ayon sa Philippine Institute for Development Studies, ang depinisyon ng gobyerno sa middle class ay ‘yong kumikita sa pagitan ng dalawa hanggang 12 beses na mas malaki sa poverty line o P24,000 hanggang P145,000.
Noong nakaraang linggo ay inaprubahan ng Department of Budget and Management ang paglalabas ng P3 bilyong fuel subsidy para sa 1.36 milyong PUV driver sa buong bansa bunsod ng walang humpay na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.
Malamig naman si Gatchalian sa mga panawagan na suspendihin ang excise tax sa petrolyo dahil maaapektuhan nito ang revenue ng gobyerno.
“‘Pag tinanggal natin ang excise tax, pati ‘yong mga mayayaman, ‘yong mga may-kaya ay mae-enjoy itong pagtanggal ng excise tax,” paliwanag niya.