MAYNILA, (PIA) -- Isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang pagrepaso at pagreporma sa K to 12 system, lalo na’t dumarami ang bilang ng mga Pilipinong hindi kuntento sa naturang programa.
“Malinaw sa boses ng ating mga kababayan na hindi sila kuntento sa programa ng K to 12. Ito ay dahil hindi natutupad ang mga pangako nito at naging dagdag na pasanin lamang ito sa ating mga magulang at mga mag-aaral,” ani Gatchalian.
Sa isang Pulse Asia Survey na isinagawa noong Hunyo 24-27 na may isang libo at dalawang daang (1,200) kalahok, lumalabas na apatnapu’t apat (44) na porsyento ang dissatisfied o hindi kuntento sa programa. Mas mataas ito ng labing-anim (16) na percentage points kung ihahambing sa isang survey na isinagawa noong Seytembre 2019, kung saan lumalabas na wala pang tatlumpung (28) porsyento ang nagsasabing hindi sila kuntento sa sistema ng K to 12. Kinomisyon ni Gatchalian ang survey na isinagawa nitong Hunyo.
Lumabas din sa survey nitong Hunyo na bumagsak ng labing-isang (11) percentage points ang satisfaction rate o pagiging kuntento ng mga Pilipino sa K to 12 system kung ihahambing sa survey na isinagawa noong Setyembre 2019. Bagama’t 50 porsyento ng mga kalahok sa survey noong September 2019 ang kuntento sa programa, wala pang apatnapung (39) porsyento sa mga kalahok ng survey ngayong taon ang nagsabing kuntento sila sa programa.
Inihain ni Gatchalian ang Proposed Resolution No. 5 na nagsusulong ng pagrepaso ng Senado sa pagpapatupad ng Enhanced Basic Education Act of 2013 o ang K to 12 Law (Republic Act No. 10533)--sampung taon matapos ipatupad sa school year 2012-2013 ang enhanced curriculum para sa K to 12. Ang panukalang pagrepaso ay isa sa mga prayoridad ni Gatchalian para sa 19th Congress at isa sa kanyang mga pangako nitong nagdaang kampanya.
Isang survey na kinomisyon din ni Gatchalian noong December 2019 ang nagsabing sa mga hindi kuntento sa programa ng K to 12, ang pagkakaroon ng dagdag na gastos ang pangunahing dahilan (78 porsyento).
Sa isang discussion paper na inilabas ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong 2020, lumalabas na mahigit dalawampung (20) porsyento lamang sa mga nagtapos ng senior high school (SHS) ang sumali sa labor force samantalang nagpatuloy sa kolehiyo ang pitumpung (70) porsyento. Matatandaang isa sa mga pangako ng K to 12 program ang mas magandang pagkakataong makahanap ng trabaho para sa mga magtatapos ng senior high school.
Ayon pa sa PIDS, ang kabataang Pilipino o iyong mga may edad na labing-lima (15) hanggang dalawampu’t apat (24) ang may pinakamababang labor force participation sa ASEAN region. Sa Vietnam, halimbawa, pitumpung (70) porsyento ng mga kabataan ay nasa labor force pero wala pang animnapung (60) porsyento ng mga kabataang Pilipino ang nasa labor force.
“Dapat nating suriin nang husto ang pagpapatupad ng K to 12 upang matiyak na natutupad nito ang layuning makapaghatid ng dekalidad na edukasyon at isulong ang pagiging competitive ng ating mga kabataan,” pahayag ni Gatchalian na siya ring Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.