Habang hinihintay ang ilalabas na ‘workload balancing tool’ ng Department of Education (DepEd) upang tugunan ang mga isyu sa workload ng mga guro, isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang mga solusyong tulad ng digitalization at ang pagkakaroon ng sapat na non-teaching personnel sa mga paaralan.

Nauna nang hinimok ni Gatchalian ang DepEd na sundin ang mungkahi ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na magsagawa ng mga pag-aaral hinggil sa workload ng mga guro.

Upang matulungan ang mga guro na mapadali ang kanilang mga sistema at proseso, kabilang ang paggawa ng lesson plan at pagsumite ng mga ulat, iminumungkahi ni Gatchalian ang digital transformation sa sektor ng edukasyon. Matatandaang inihain ni Gatchalian ang Digital Transformation in Basic Education Act (Senate Bill No. 383) upang mapabilis ang paghahatid ng mga serbisyo sa edukasyon.

Ibinahagi rin ni Gatchalian ang halimbawa ng Valenzuela City na nagpamahagi ng mga laptop na may naka-install na #VCGuroAko App. Ang naturang app ay isang online portal upang mapadali ang pagtatrabaho ng mga guro, kabilang ang pag-upload at pagbahagi ng mga dokumento at pagsumite ng mga ulat.

Hinimok din ni Gatchalian ang administrasyon na ipatupad nang ganap ang Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670).

Sabi sa Magna Carta, hindi dapat lumagpas ng anim na oras ang aktwal na pagtuturo ng mga guro sa pampublikong paaralan.



Main Menu

Secondary Menu