Hinikayat ni Senator Sherwin Gatchalian ang bagong administrasyon na bawasan ang mga trabaho ng mga guro upang sa pagtuturo na lamang masentro ang kanilang atensyon.
Katuwiran ni Gatchalian dahil sa dami ng trabaho ng mga guro naaapektuhan na ang kalidad at pagbibigay nila ng edukasyon mula Kinder hanggang Grade 12.
Binanggit nito na noong 2019 iniulat ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) naapektuhan ang kalidad ng pagtuturo ng mga guro ng ibang gawain at partisipasyon nila sa mga aktibidades gaya ng eleksyon, mass immunization, deworming at iba pa.
Ayon pa kay Gatchalian ang isa sa maaring mabilis na paraan ay ipalabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo para sa 5,000 administrative offucers sa mga pampublikong eskuwelahan sa ilalim ng Department of Education (DepEd).
Dapat din aniya pag-aralan ng DepEd ang panukala ng PIDS na magsagawa ng pag-aaral sa mga trabaho ng guro para magkaroon ng balance sa kanilang mga responsibilidad.