MANILA, Philippines- Ipinahayag ng re-electionist na si Senador Win Gatchalian na maghahain siya ng panukalang pag-amyenda sa Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670) upang maging mas akma ito sa kasalukuyang panahon at magpatuloy ang pagtataguyod sa kapakanan ng mga guro sa pampublikong paaralan,
“Kung mabibigyan tayo ng pagkakataong makabalik sa Senado, aamyendahan natin ang Magna Carta upang maging mas akma ito sa panahon natin. Kailangan nating tiyakin na ang ating mga guro ay may sapat na edukasyon, training, at may mataas na morale upang maihatid ang pinakamahusay na edukasyon sa ating mga mag-aaral,” pahayag ni Gatchalian.
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, pinangunahan ni Gatchalian ang pagrepaso sa pagpapatupad ng naturang batas na naipasa noong 1966. Sa Senate Resolution No. 522, binigyang diin ni Gatchalian na may mga probisyon ang Magna Carta na hindi ganap o lubusang naipapatupad.
Sa ilalim ng Magna Carta, hindi dapat lalagpas sa anim na oras ang pagtuturo ng mga guro sa mga pampublikong paaralan. Kung kakailanganing lumagpas sa anim na oras ang trabaho ng mga guro, dapat makatanggap sila ng karagdagang sahod.
Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies noong 2019, naipapasa sa mga guro ang maraming mga gawaing administratibo, bagay na nakakaapekto sa kanilang pagtuturo. Kabilang dito ang kanilang pakikilahok sa pagpapatupad ng mga programang tulad ng pagbabakuna, deworming, halalan, at iba pa.
Nakasaad din sa Magna Carta na ang sahod ng mga guro ay dapat maging kapantay ng sahod sa ibang mga propesyon, kung saan kinakailangan ang parehong mga kwalipikasyon. Dismayado si Gatchalian na napag-iwanan na ang sahod ng mga guro sa bansa kung ihahambing sa ibang bansa sa ASEAN tulad ng Indonesia (P66,099) at Singapore (P60,419).
Ipinapanukala ni Gatchalian na itaas mula Salary Grade 11 (P25,439) tungo sa Salary Grade 13 (P29,798) o Salary Grade 14 (P32,321) ang sahod ng Teacher I. Aniya, ang pagtaas sa sweldo ng mga guro ang isang paraan upang mapanatiling mataas ang morale ng mga guro. Paraan din ito upang mahikayat ang mas maraming mga mag-aaral na kumuha ng kurso sa pagtuturo.
Ayon pa sa Magna Carta, dapat makatanggap ang mga guro ng libre at compulsory medical examination bago sila magturo.
Para kay Gatchalian, ang hindi pagpapatupad sa probisyong ito ay nabigyang diin noong mataas ang kaso ng COVID-19 sa bansa at hinarap ng mga guro ang panganib sa kanilang kalusugan at kaligtasan.