MANILA, Philippines- Para sa re-electionist na si Senador Win Gatchalian, pagtataguyod sa kapakanan ng mga guro ang dapat bigyang prayoridad ng susunod na administrasyon sa gitna ng patuloy na pagtugon ng bansa sa krisis sa edukasyon.
Binigyang diin ni Gatchalian na dapat itaas ang dangal ng mga guro, lalo na’t sila ang nagsisilbing frontliners sa pagpapatuloy ng edukasyon sa gitna ng pandemya ng COVID-19 at sa patuloy na pagbangon ng bansa. Ani Gatchalian, doble-doble na ang pasanin ng mga guro bago pa man tumama ang pandemya. Kaya patuloy pa rin silang nananawagan para sa makatarungang sahod na tutugma sa kanilang mga karagdagang responsibilidad at mga gawain.
Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), sinasalo ng mga guro sa pampublikong mga paaralan ang dagdag na gawaing administratibo, bagay na nakakaapekto sa kalidad ng kanilang pagtuturo. Halimbawa, inaasahan sila na lumahok sa pagbabakuna, deworming, feeding, halalan, at iba pang programa ng pamahalaan.
Ayon pa kay Gatchalian, napapanahon nang itaas ang sahod ng mga guro. Panukala niya, itaas ang sahod ng mga Teacher I mula Salary Grade 11 (P25,439) paakyat sa Salary Grade 13 (P29,798) o Salary Grade 14 (P32,321). Pagdating sa entry-level na sahod, napag-iiwanan na ang mga Pilipinong guro kung ihahambing sa ibang bansa sa ASEAN tulad ng Indonesia (P66,099) at Singapore (P60,419).
“Sa pagtugon natin sa krisis sa sektor ng edukasyon, mahalagang itaguyod natin ang kapakanan ng mga guro at tiyakin nating mataas ang kanilang moral, lalo na’t malaking bahagi sila sa pagkatuto ng mga kabataan. Kaya naman dapat maging prayoridad ng susunod na administrasyon ang pangangalaga sa ating mga guro,” ani Gatchalian.
Nanindigan naman ang mambabatas na kung mahalal siya sa pangalawang termino sa Senado, isusulong niya ang pag-amyenda sa Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670) at gawin itong mas akma sa kasalukuyang panahon.
Sa ilalim ng Magna Carta, hindi dapat lalagpas sa anim na oras kada araw ang pagtuturo ng mga guro sa pampublikong paaralan. Sakaling lumagpas o kaya naman ay kinailangan nilang gawin ang karagdagang mga gawain, kailangan nilang tumanggap ng karagdagang sahod. Nakasaad din sa Magna Carta na dapat bigyan ang mga guro ng libreng pagsusuring medikal bago sumabak sa pagtuturo.
Ani Gatchalian, nabigo ang pamahalaan sa pagtiyak sa mga benepisyong ito, lalo na noong sumiklab ang pandemya ng COVID-19 at naging banta ito sa kalusugan at kaligtasan ng mga guro.