MANILA, Philippines – Magsasagawa si Senador Sherwin Gatchalian ng pagrerepaso sa programang K to-12 upang tukyuin ang estratehiyang magpapalakas sa kahandaan ng senior highschool gradutes sa pagtatrabaho.
Inihayag ito ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education matapos himukin ni Vice President at Secretary of Education Sara Duterte ang pribadong sektor na tanggapin sa trabaho ang mga senior high school graduates.
Matatandaang naging panawagan din ito ni Trade Secretary Alfredo Pascual nitong Setyembre.
Bagama’t ipinangako ng K to 12 Law o Enhanced Basic Education Act of 2013 (Republic Act No. 10533) ang kahandaan ng mga senior high school graduates sa trabaho, pinuna ni Gatchalian na maliit na porsyento lamang ng mga graduates na ito ang nagiging bahagi ng labor force.
Ayon sa isang 2020 discussion paper ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), mahigit dalawampung porsyento lamang ng mga K to 12 graduates ang nagiging bahagi ng labor force, samantalang mahigit pitumpung porsyento naman ang nagpapatuloy sa kanilang pag-aaral.
Lumalabas din sa parehong pag-aaral na hindi nakakaangat sa mga nakatapos ng Grade 10 ang mga nakatapos sa Grade 12 pagdating sa mga labor outcomes.
Dagdag pa ng pag-aaral, hindi rin nakakaangat pagdating sa mga labor outcomes ang mga nakatapos ng ikalawang taon sa kolehiyo kung ihahambing sa mga nakatapos ng senior high school.
“Sa gagawin nating pag-aaral ng K to 12, tututukan natin kung paano natin matutupad ang pangakong trabaho para sa mga graduate ng senior high school. Kailangang maramdaman ng ating mga magulang na hindi lamang dagdag gastos, kundi may totoong benepisyo ang dagdag na dalawang taon sa high school,” ani Gatchalian.
Nitong nakaraang Hulyo, inihain ni Gatchalian ang Proposed Senate Resolution No. 5 na isinusulong ang pagrepaso ng Senado sa pagpapatupad ng K to 12 Law.
Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, si Gatchalian din ang magsisilbing co-chairperson ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II).
Nabuo and EDCOM II sa ilalim ng Republic Act No. 1189 upang magsagawa ng malawakang pagsusuri sa performance ng sektor ng edukasyon.
Si Gatchalian ang nag-sponsor ng naturang batas noong 18th Congress.
Ang gagawing pag-aaral ay magrerekomenda ng mga reporma upang gawing mas competitive ang mga Pilipino pagdating sa education at labor markets.