Isang tulog na lang Pasko na! Abala na naman ang mga bata sa paghahanap sa kanilang mga ninong at ninang. Kaliwat-kanan ang handaan at umaatikabo ang videoke sa loob at labas ng bahay.

Siguradong punuan na naman sa mga mall matapos ang halos tatlong taon na langawin ito dahil sa pandemya. Ang mga park, malamang na dagsa ang mga tao dahil kahit paano ay walang bayad ang pamamasyal dito.

Malamang ay marami rin ang makikipag-date at nagpupunta sa biglang liko o mga motel. Wala namang masama rito sa mga taong nag-iibigan lalo na kung nasa hustong gulang. Ang nakakatakot, pati na ang mga menor de edad, sumasabak sa pre-marital sex.

Ang mga kabataan kasi, mapupusok, sugod lang nang sugod. Hindi naiisip ang kahihinatnan ng kanilang ginagawa lalo na kung wala silang sapat na kaalaman sa safe sex.

Kaya naman, sang-ayon ako sa suhestiyon ni Senador Win Gatchalian na paigtingin ang pagpapatupad ng sexuality education para sa patuloy na pagbaba ng bilang ng maagang pagbubuntis ng mga kabataan, isa sa mga naging benepisyo ng Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012 o RH Law.

Hindi biro ang problema ng teenage pregnancy. Sa isang forum na isinagawa ng Philippine Legislators’ Committee on Population and Development (PLCPD), United Nations Population Fund (UNFPA), at ng Commission on Population and Development (POPCOM), iniulat ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang adolescent birth rate sa bansa ngayong taon ay bumaba na sa 25 kada 1,000 kababaihan, mas mababa sa naunang 2022 target na 37 kada 1,000 kababaihan. Ngunit ayon sa opisyal, mataas pa rin ang bilang ng mga insidente ng maagang pagbubuntis sa bansa.

Siyempre, kapag nabuntis na ang isang tinedyer, wasak na rin ang kanilang kinabukasan. Bibihira lang ang nakakabangon at nagiging successful sa buhay.

Para kay Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, kailangang suriin ng pamahalaan kung nakakapagpatupad nga ba ito ng epektibong sexuality education sa mga paaralan.

Inihain ngayong taon ni Gatchalian ang Senate Resolution No.13 na layong repasuhin ang saklaw at pagiging epektibo ng kasalukuyang polisiya ng Department of Education (DepEd) sa Comprehensive Sexuality Education (CSE).

Sa kabila raw kasi ng pagkakaroon ng Department Order (D.O.) No. 31 s. 2018 upang gabayan ang pagpapatupad ng CSE, pinuna ng UNFPA ang matagal na integration nito sa mga curriculum ng K to 12 program. Lumabas din sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) ang ilan sa mga kakulangan sa pagpapatupad ng RH education, kabilang ang hindi sapat na manpower, pasilidad, pagsasanay, instructional materials, at iba pa.

Binanggit pa ni Gatchalian na bagamat may nakikita tayong pagbaba sa bilang ng mga maagang pagbubuntis, kailangang masuri pa rin natin kung paano natin tinuturuan ang ating mga kabataang kababaihan na iwasang malagay sa sitwasyon ng pagiging mga batang ina.

Malaking tama yan! Kaya kayong mga kabataan, makinig sa pangaral ng inyong mga magulang at sa turo ng mga titser.



Main Menu

Secondary Menu