MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang papasok na Marcos-Duterte administration na tiyakin ang ganap na pagpapatupad ng Republic Act No. 4670 o ang Magna Carta for Public School Teachers.

Binigyang-diin ni Gatchalian ang tatlong rekomendasyon na aniya ay dapat bigyang prayoridad: ang pagpapagaan sa workload o trabaho ng mga guro, ang pagtaas sa kanilang mga sahod, at ang pagtiyak na meron silang sapat na health insurance.

Ayon kay Gatchalian, dapat gawing prayoridad ng 19th Congress ang paghain ng panukalang batas na magtataas sa sahod ng mga guro.

Hinimok din ni Gatchalian ang Department of Education o DepEd na sundin ang rekomendasyon ng Philippine Institute for Development Studies o PIDS na magsagawa ng pag-aaral sa workload ng mga teachers.

Ito ay upang matiyak na nakatutok ang mga guro sa pagtuturo.

Upang mabigyan naman ng sapat na health insurance ang mga guro, ibinahagi ni Gatchalian ang isang rekomendasyon ng Government Service Insurance System o GSIS.

Sa premium na apat na raang piso (P400) kada guro, maaaring makatanggap ang mga kawani ng DepEd ng coverage na aabot sa isang daan at dalawampung libong piso (P120,000).

Ang gugugulin ng gobyerno sa mga premium na ito ay wala pang apat na raang milyong piso (P369.8).

“Ang ganap na pagpapatupad sa Magna Carta for Public School Teachers ay dapat maging prayoridad ng papasok na administrasyon,” ani Gatchalian.

“Panahon na para tuparin ng pamahalaan ang pangako nitong halos anim na dekada nang hindi natutupad,” dagdag na pahayag ng senador.

Ayon kay Gatchalian, hindi naipapatupad ng DepEd ang tatlong section o bahagi ng Magna Carta. Sa Section 22, halimbawa, mandato ang pagbibigay ng libreng annual physical examinations para sa mga guro ng pampublikong paaralan.

Bagama’t nagbibigay ang DepEd ng tulong pinansyal sa pagpapagamot ng mga guro simula noong 2019, wala pa ring programa para matiyak ang libreng taunang check-up tulad ng nakasaad sa batas.

Hindi rin naipapatupad ang Section 26, kung saan nakasaad na ang isang retiradong guro ay dapat ma-promote ng mas mataas ng isang ranggo.

Ang sahod ng ranggong iyon ang magiging basehan ng mga benepisyo para sa retirement.



Main Menu

Secondary Menu