Hindi maikakaila na malaki ang naging masamang epekto ng nakaraang pandemya sa sektor ng edukasyon, hindi lamang dito sa ating bansa kundi maging sa ibang parte ng mundo.
Marami ng problema sa sektor ng edukasyon natin na lalo pang pinalala ng pandemya. Sa isang pag-aaral na ginawa ng World Bank bago pa mag-pandemya, nakitang siyam sa sampung PIlipinong mag-aaral na nakaabot ng Grade 5 ay kulang ang kaalaman sa reading o pagbasa.
Nakakaalarma ang ganitong mga findings. Ang kabataang Pilipino ang pag-asa ng bayan natin. Dapat lamang na sila ay mabigyan ng edukasyong de-kalidad para maging mga produktibo at responsableng mga mamamayan.
Isa pang problema ay ang kinabukasan ng ating mga senior high school graduates. Minadali noon ang pagpapatupad ng K-to-12 curriculum kung saan nagdagdag ng dalawang taon ng pag-aaral sa high school para daw tayo ay makasabay sa ibang bansa at ang mga graduate natin ay magkaroon na ng trabaho kahit hindi pa nakakatuntong ng kolehiyo.
Sa kasamaang-palad, hindi ito ang naging bunga ng pagmamadali sa K-to-12 curriculum, kaya naman ang resulta ng pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) ay nakitang may 20 porsiyento lamang ng mga nakatapos ng senior high school ang nagpasyang magtrabaho.
Kung naka-graduate naman sa kolehiyo, 40 porsiyento ng mga ito ay may mga college degree at mga kwalipikasyon na higit sa kailangan sa napasukang trabaho, ayon pa rin sa pag-aaral ng PIDS. Sa madaling salita, kahit sila ay overqualified ay wala silang magawa kundi mag-apply sa trabahong hindi angkop sa kanilang kakayahan dahil iyon lamang ang available.
Sa harap ng ganitong mga realidad sa sektor ng edukasyon, hindi na nagulat ang inyong Kuya Pulong ng ang mismong business sector, sa pamamagitan ng Management Association of the Philippines (MAP), ay nanawagan na sa pamunuan ng gobyerno na tutukan ang edukasyon para ang ating mga graduate ay makasabay sa bilis ng agos sa digital age.
Mabuti na lamang at napagdesisyunang repasuhin ang kasalukuyang K-to-12 curriculum ng ating Bise Presidente at Education Secretary Sara Duterte, na aking nakakabatang kapatid. Ang layunin ng pagre-review ay para matiyak na ang makakatapos ng senior high school ay mga “job-ready.”
Sa Kongreso naman, may dalawang panukalang batas na naipasa ang Kamara de Representante para makatulong na maging “job-ready” ang ating mga graduates. Isa rito ay ang House Bill (HB) 7400 na ang layunin ay mapabuti pa ang pagtuturo at on-the-job training ng mga estudyante para siguradong may trabaho na pagka-graduate.
Ang HB 7370 naman ay nakatuon sa pagkakaroon ng isang konseho na binubuo ng mga kinatawan mula sa gobyerno, mga unibersidad at kolehiyo, at business sector, para matugunan ang problema sa jobs-skills mismatch o ang hindi pagkakatugma ng mga kakayahan ng graduates sa mga available na trabaho sa labor market.
Ang inyong Kuya Pulong ay kasamang may-akda ng dalawang bills na ito.
Isa pang mahalagang panukalang batas na ating nai-file kamakailan ay ang HB 8069 na ang layunin ay makapag-aral sa preschool ang mga bata na mula sa mahihirap na pamilya. Ibig sabihin ay sa edad na tatlo hanggang apat na taong gulang ay dapat na nasa preschool o pre-kindergarten na ang bata.
Malaki ang magiging positibong epekto ng pag-aaral sa preschool o tinatawag na early childhood education. Ayon sa pag-aaral ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD), ang mga batang nakapag-aral ng isa hanggang dalawang taon sa preschool ay mas mataas ng 30 points ang naging score sa reading kaysa sa mga hindi nakapag-preschool.
Ang mga naipasa ng mga bill sa Kamara na patungkol sa edukasyon at ang ating panukalang batas para sa early childhood o preschool program ay ilan lamang sa mga solusyon sa mga problemang matagal ng bumabagabag sa ating education sector.
Kung sama-sama tayong magtutulungan, naniniwala ang inyong Kuya Pulong na mapapagtagumpayan natin ang mga problemang ito para matiyak ang maliwanag na kinabukasan ng bawat kabataang Pilipino.