Pabor umano ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na taasan ang pinansyal na ayuda na natatanggap ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) subalit kakailanganin umano nito ng pondo.
Sa deliberasyon ng panukalang budget para sa 2024 nitong Biyernes, Setyembre 22, sinabi ni AGRI party-list Rep. Wilbert Lee na ang purchasing power ng ayudang natatanggap ng mga 4Ps beneficiary ay lumiit dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic at inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Sinabi ni Lee na batay sa ulat ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong Mayo ang P31,200 na maximum na maaaring makuha ng isang pamilya na benepisyaryo ng 4Ps kada taon ay nasa P14,524 na lamang ang halaga ngayon.
“Napag-usapan na po ba sa national advisory council ang rekomendasyon ng PIDS regarding the increase of cash grants,” dagdag pa ng mambabatas. “Ano po ang recommended action dito ng DSWD?”
Sinabi ni Negros Oriental Rep. Jocelyn Limkaichong, sponsor ng DSWD budget, na pabor ang national advisory council na itaas ang ayuda.
Nakipag-ugnayan na rin umano ang DSWD sa Department of Budget and Management (DBM) kaugnay nito.