Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts, and Culture, hinihimok ng inyong lingkod ang susunod na administrasyon na tutukan ang problema ng mga kabataan pagdating sa stunting o ang hindi paglaki ng isang bata ayon sa kanyang edad.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang stunting ay epekto ng kakulangan sa nutrisyon at paulit-ulit na pagkakasakit o impeksyon sa unang isang libong araw ng buhay ng bata.
Nakakalungkot dahil nakakaapekto sa performance at kakayahan ng mga kabataan ang pangmatagalang pinsalang dulot ng stunting. Sinabi ng World Bank (WB) noon na ang learning poverty sa bansa ay kasalukuyang nasa 90.5 porsyento na. Katumbas nito ang siyam sa 10 batang may edad na 10 na hindi marunong bumasa o umintindi ng simpleng kwento.
Ayon sa ulat ng WB na pinamagatang “Undernutrition in the Philippines: Scale, Scope, and Opportunities for Nutrition Policy and Programming,” may 30 porsyento sa mga batang Pilipino na mas bata sa limang taong gulang ay maituturing na stunted o maliit para sa kanilang edad.
Kaya naman dapat tiyakin ng ating pamahalaan ang epektibong pagpapatupad ng Republic Act No. 11148 o ang Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act na kilala rin bilang First 1,000 Days Law. Layon ng naturang batas, kung saan tayo ay isa sa mga may-akda, na tutukan ang pangangailangang pang-nutrisyon ng mga sanggol sa unang isang libong araw ng kanilang buhay.
Noong 2018, inirekomenda ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) ang mga hakbang tulad ng dagdag investment sa pagkalap ng datos, pagtukoy sa mga benepisyaryo ng programa, pagpapaigting sa sistema ng monitoring at evaluation, at agarang technical assistance mula sa national government at development partners.
Matatandaang nagbigay ng aplikasyon ang Duterte administration sa World Bank para sa isang loan na nagkakahalaga ng 178.1 milyong dolyar. Ang naturang loan ay gagamitin upang tugunan ang stunting sa mga kabataan. Ang panukalang proyekto na ito ay pangungunahan ng Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Mahalaga na tutukan natin ang kalusugan at nutrisyon ng mga bata mula sa panahong ipinagbubuntis sila, lalo na’t malaki ang epekto nito sa kanilang kakayahang matuto. Kailangang tiyakin natin na may sapat na partisipasyon at kakayahan ang ating mga komunidad, kabilang na ang mga lokal na pamahalaan, upang pangalagaan ang kalusugan ng ating kabataang Pilipino.