MANILA, Philippines — Dahil sa mahal ng bilihin, dapat na umanong itaas ang halaga ng ayuda na ibinibigay sa mga Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries.

Sa pagdinig ng House Committee on Poverty Alleviation, sinabi ni AGRI party-list Rep. Wilbert Lee na batay sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), ang buwanang health grant ay dapat itaas sa P906 mula sa P750.

Ang educational allowance naman ng estudyante sa daycare o elementarya ay itaas sa P362 mula sa P300, ang allowance ng estudyante sa junior high school ay gawing P604 mula sa P500, at ang nasa senior high school ay itaas sa P846 mula sa P700.

Iminungkahi ni Lee na irekomenda na ng National Advisory Council (NAC) at DSWD ang pagtataas sa 4Ps cash aid sa halip na hintayin pa ang Kongreso na magpasa ng batas para sa pagtataas nito.

“Pwedeng abutin pa ng 2025 bago maramdaman ng mga beneficiaries ang tulong kung hihintayin pa nating maipasa ang mga nakasalang ngayon na panukalang batas sa pagtataas ng 4Ps cash grants,” sabi ni Lee sa pagdinig.

Mayroong 4.4 milyong pamilyang benepisyaryo sa ilalim ng 4Ps.

Ayon sa 4Ps Act (RA 11310), ang PIDS ang magrerekomenda sa NAC ng pagtataas ng cash grant. Ang pagtataas ay ibabatay sa consumer price index na tutukuyin ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Batay pa sa pag-aaral ng PIDS, ang halaga ng maximum na P31,200 na matatanggap ng isang pamilya sa loob ng isang taon ay bumaba na ng mahigit kalahati dahil sa nagtaasang presyo ng mga bilihin.



Main Menu

Secondary Menu