Apat sa bawat 10 Pinoy ang hindi kuntento sa senior high school, ayon sa survey ng Pulse Asia.
Batay sa resulta ng survey na kinomisyon ni Senador Sherwin Gatchalian at isinagawa noong Hunyo 19 hanggang 23, 2023, 41% lamang sa 1,200 kalahok sa buong bansa ang nagsabing kuntento sila sa senior high school. Mas mataas nang bahagya ang mga hindi naman kuntento o 42% samantalang 16% ang hindi tiyak kung kuntento sila o hindi.
Para kay Gatchalian, sinasalamin ng resulta ng survey ang kabiguan ng programang tuparin ang pangako nitong gawing handa para sa kolehiyo at trabaho ang kabataan. Ayon sa isang 2020 discussion paper ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), 20% lamang ng mga graduate ng senior high school ang pumapasok sa labor force, samantalang 70% naman ang nagpapatuloy sa kanilang edukasyon. Lumabas din sa naturang pag-aaral ng PIDS na pagdating sa basic pay, lumalabas na halos walang pinagkaiba ang mga senior high school graduate kung ihahambing sa mga nagtapos ng dalawang taon sa kolehiyo o grade 10.
Ayon sa survey, mas marami sa Class D (44%) at E (44%) ang hindi kuntento sa senior high school program. Lumalabas naman na 38% at 42% lamang mula sa Class D at E ang kuntento sa senior high school. Sa classes ABC, 57% ang kuntento, samantalang 27% ang hindi kuntento.
“Nagdagdag tayo ng dalawang taon sa high school pero para sa ating mga magulang, dagdag na gastos lang ang dulot nito. Hindi kuntento ang ating mga kababayan sa senior high school dahil hindi nila makita ang benepisyo ng programang ito,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.