Apat lamang sa 10 mga Pilipino ang “satisfied” sa senior high school program, ayon sa Pulse Asia survey na kinomisyon ni Senador Sherwin Gatchalian.

Base sa resulta ng survey na isinagawa mula Hunyo 19 hanggang 23, 2023, 41% lamang umano sa 1,200 respondents sa bansa ang nagsabing nasisiyahan sila sa senior high school.

Samantala, 42% umano ang hindi nasisiyahan dito, habang 16% naman ang hindi nagbigay ng kanilang opinyon sa nasabing usapin.

Ayon kay Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, sumasalamin ang “dissatisfaction” ng mga Pinoy sa senior high school sa kabiguan ng programa na tuparin ang pangako nito na gawing handa sa kolehiyo at trabaho ang mga estudyanteng nagtapos nito.

Lumabas umano sa 2020 discussion paper ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na mahigit 20% lamang ng senior high school graduates ang pumapasok sa labor force, habang mahigit 70% ang nagpapatuloy sa kanilang pag-aaral.

Isiniwalat din ng PIDS study na pagdating sa basic pay kada araw, walang malinaw na advantage of disadvantage ang mga nagtapos ng senior high school kung ikukumpara sa mga nakatapos ng Grade 10 o ng second-year college.

Ayon din sa survey, mas mataas ang “dissatisfaction” sa senior high school program sa Class D (44%) at E (44%). Pagdating sa Classes ABC, 57% umano ang nasisiyahan sa senior high school, habang 27% ang hindi nasisiyahan.

“Nagdagdag tayo ng dalawang taon sa high school pero para sa ating mga magulang, dagdag na gastos lang ang dulot nito,” ani Gatchalian.

“Hindi kuntento ang ating mga kababayan sa senior high school dahil hindi nila makita ang benepisyo ng programang ito,” saad pa niya.

Pinakamataas umano ang “dissatisfaction” sa National Capital Region (NCR), kung saan 53% ng respondents ang nagsabing hindi sila nasisiyahan sa senior high school, habang 31% lamang ang nagsabing sila ay nasisiyahan.

Mas maraming respondents sa Luzon ang nasisiyahan (43%) sa senior high school kaysa sa hindi nasisiyahan (35%) dito. Sa Visayas, ang mga nasisiyahan at hindi nasisiyahan sa programa ay parehing nasa 42%. Halos kalahati (49%) naman umano ng mga respondente sa Mindanao ay hindi nasisiyahan sa senior high school, habang 42% ang nasisiyahan.

Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 2022 o ang Batang Magaling Act upang matugunan umano ang mismatch sa pagitan ng skills ng senior high school graduates at ang demands ng labor market.

Layon ng panukalang palakasin ang ugnayan at kolaborasyon ng Department of Education (DepEd), local government units, academic communities, at industry partners.



Main Menu

Secondary Menu