Hindi na mate-thank you ang pagod at hirap ng mga misis at ina ng tahanan dahil tutumbasan na rin ito ng karampatang suweldo.
Tiniyak ni Albay Rep. Joey Salceda na isusulong niyang maging batas ang ‘Housewives Compensation Act’ (HB 80) na inihain niya sa Kamara.
Layunin nito na pasahurin din ang mga nanay na napipilitang mag-alaga lamang ng kanilang mga anak at asawa kaya hindi makapagtrabaho sa labas.
Lumilitaw sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), ang katumbas na perang halaga ng oras at gawain ng naturang mga nanay ay umaabot sa P3.3 trilyon o 20% ng kabuuang ‘gross domestic product’ (GDP) ng bansa.
Magiging panlipunang reporma ang HB 80 ni Salceda sa bansa kung saan ang mga karaniwang Nanay ay itinuturing lamang na “taong bahay” at “walang silbi” sa kabila ng napakahalagang papel na kanilang ginagampanan sa lipunan.
Babaguhin nito ang umiiral na pinsipyo sa larangan ng Economics, “na ang gawaing hindi binabayaran ay hindi ‘productive labor. Kabilang ang gawain ng mga Nanay na mag-alaga ng kanilang mga anak at alalayan sa pag-aaral, magmadyik sa pagba-budget, mamalengke, at iba pa,” ani Salceda.
Sa ulat ng PIDS, mga 12 milyon ang walang trabaho noong Enero 2018, at 11.2 milyon nito ay kababaehan. Hindi sila itinuturing na bahagi ng aktibong manggagawa dahil pangtahanan lang ang ginagampanan nilang tungkulin at walang bayad.
Tutumbukin ng panukala ni Salceda sa mga mahihirap na nanay na may anak na mababa pa sa 12-anyos na pasasahurin ng P2,000 buwan-buwan.