Titiyakin umano ng Senado na ibubuhos sa pagtulong sa mga magsasaka ang lahat ng makukulektang buwis mula sa pribadong sektor na papayagan nang mag-angkat ng bigas sa ilalim ng Rice Tarrification Bill.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, lubhang maapektuhan ang mga magsasaka kapag bumaha na ang imported na bigas kaya kailangan silang alalayan ng gobyerno.
Sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), nasa P13.9 bilyon hanggang P27.7 bilyon ang makukolektang taripa kapag ipinatupad na ang Rice Tarrification Bill sa 2019.
Napagkasunduan ng Senado na sa susunod na anim na taon, bawat taon na maglalaan ng P10 bilyon sa Rice Competitiveness Enhancement Fund na gagamitin sa financial assistance, pautang, kagamitan sa pagsasaka at iba pang tulong sa mga nagtatanim ng palay.
Ang koleksyon na lagpas sa P10 bilyon ay gagamitin sa mga programa na ipangtutulong din sa mga magsasaka.
Ayon kay Recto, kailangang klaro ang probisyon dito dahil may ilang kasapi ng gabinete na gustong ipasok sa national fund ang malilikom na taripa.
“Unfair naman ‘yan. Farmers get the pain and government gets the gain?” ani Recto. (Isaac Mendez)