Mga bida, dalawang mahalagang panukalang batas na dumaan sa ating komite ang nakapasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado sa unang walong buwan ng 17th Congress.
Noong Lunes, sabay na inaprubahan ng Senado sa parehong boto na 18-0 ang “Affordable Higher Education for All Act” na nagbibigay ng libreng tuition sa state colleges at universities (SUCs), at ang Free Internet Access in Public Places Act.
>Ang inyong lingkod ang tumayong principal sponsor at co-author ng Senate Bill No. 1304 at Senate Bill No. 1277, na parehong itinuturing na prayoridad na panukala ng administrasyon.&
Ang Senate Bill No. 1277 naman ang unang panukalang naipasa ng Senado ngayong 17th Congress mula sa Committee on Science and Technology, na akin ding pinamumunuan.
Masaya tayo’t mabunga ang ating panahon sa mayorya at nakapagpasa tayo ng dalawang malaking panukala bago natin tuluyang yakapin ang papel bilang minorya sa Senado.
***Nagpapasalamat tayo sa mga indibidwal at mga grupo na nagsama-sama upang suportahan ang panukalang nagbibigay ng libreng tuition fees sa SUCs at scholarship sa pribadong kolehiyo.
Ang kredito sa pagpasa ng batas sa Senado ay hindi lang para sa iisang tao o iisang tanggapan. Ito’y samasamang pagsisikap ng mga senador, mga indibidwal at mga organisasyon na kasama natin sa layuning ito.
Una nating nais pasalamatan sina Senator Recto na matagal nang isinusulong ang adbokasiyang ito at Senate President Koko Pimentel sa pagbibigay prayoridad sa panukalang ito. Malaki rin ang kanyang papel upang mapalakas pa ang pinal na bersiyon ng panukala ng Senado, kasama na ang mga amyenda nina Sens. Richard Gordon, Panfilo Lacson at Risa Hontiveros.br />
Nais rin nating pasalamatan ang mga kapwa ko may-akda na sina Senador Joel Villanueva, JV Ejercito, Sherwin Gatchalian, Francis Pangilinan, Sonny Angara, Loren Legarda, Leila de Lima, Cynthia Villar at Juan Miguel Zubiri.
Isang espesyal na pasasalamat din ang nais kong ipaabot kay Sen. Chiz Escudero sa kanyang pagpayag na ipagpatuloy natin ang pagsusulong ng Senate Bill No. 1304 hanggang sa huli kahit inalis tayo bilang chairman ng Committee on Education.
***
Malaki rin ang naitulong nina Commission on Higher Education (CHED) chairperson Patricia Licuanan, commissioners Minella Alarcon, Alex Brillantes, Prospero de Vera at Ronald Adamat sa pagbuo ng panukala sa kabila ng minsa’y ‘di pagkakaunaawan.
Nagpapasalamat din tayo kay Nikki Tenazas at sa mga kaibigan natin sa Unifast, PIDS, COCOPEA, PAPSCU at PBED sa kanilang tulong sa pagtalakay sa iba’t ibang probisyon ng panukala.
Salamat din kay Dr. Ricardo Rotoras ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC) sa pagbibigay niya ng mahalagang pananaw mula sa SUCs. Bilang panghuli, nais kong pasalamatan ang ating mga estudyante na ating inspirasyon sa pagsusulong ng panukalang ito.
Batid natin kung gaano kahirap ang kanilang pinagdadaanan at kinalalagyan at alam natin na kailangangkailangan nila ang batas na ito.
Ang pagpasa ng panukalang ito ay isang malinaw na mensahe sa bawat Pilipino na prayoridad ng Senado ang edukasyon at nais natin itong palakasin para sa kasalukuyan at susunod pang henerasyon.
Ang pagbuhos ng pondo sa edukasyon ay pinakamalaking puhunan na maaaring gawin ng pamahalaan dahil ito’y para sa kinabukasan ng kabataan na itinuturing nating pag-asa ng bayan.
Mabungang walong buwan