Dapat na pag-ibayuhin ang pagpapatupad sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act No. 10931) o ang Free Tuition Law upang matiyak ang pagpapatuloy ng edukasyon para sa mahigit isang milyon nating mga kabataang mag-aaral.

Ang isa sa mga dapat tutukan ay ang automated na pagproseso ng pamamahagi ng tuition at miscellaneous fees upang hindi madagdagan ang pasaning pinansyal ng mga paaralan at mga mag-aaral.

Ayon sa isang discussion paper ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), maaaring mag-abono ang mga paaralan o kaya naman ay maipasa sa mga mag-aaral ang mga gastusin kung hindi ma-reimburse ang tuition at miscellaneous expenses.

Sa ilalim kasi ng batas, dapat munang isumite ng mga state universities and colleges (SUCs) at mga local universities and colleges (LUCs) ang kanilang mga billing requirements bago nila matanggap ang kanilang mga reimbursement.

Bago pa maipatupad ang batas sa libreng kolehiyo, ang binabayaran ng mga mag-aaral ay ginagamit na pantustos sa operasyon ng mga paaralan. Noong Setyembre 2020, matatandaang mayroong 12 SUCs at LUCs na hindi nakatanggap ng kanilang reimbursement dahil sa isyu sa compliance, ayon sa Commission on Higher Education (CHED).

Ipinakita ng panahon ng pandemya na kinakailangan ang automation upang mapabilis ang pagproseso sa mga dokumento at pagpapamahagi ng pondo. May dalawang panukalang batas ang inyong lingkod na makakatulong sa pagpapatupad ng libreng kolehiyo. Ang Senate Bill No. 1793 o ang Full Digital Transformation Act of 2020 ay layong magbigay ng komprehensibong E-Government (eGov) services sa publiko bago magwakas ang 2022. Matutulungan nito ang CHED, mga SUCs at LUCs na isulong ang zero contact policy at pabilisin ang paghahatid ng serbisyo.

Ang panukalang “One Filipino, One Bank Account” naman ay makakatulong sa mabilis na pamamahagi ng ayuda, kabilang ang Tertiary Education Subsidy (TES). Sa ilalim ng naturang panukala, ang pagbubukas ng bank account o virtual wallet ay mahalaga upang deretso nang matanggap ng account holders ang mga tulong pinansyal. May kalahating milyong benepisyaryo ang TES na nakakatanggap ng karagdagang tulong pinansyal para sa mga gastusing may kinalaman sa pag-aaral.

Kung inyong matatandaan, ang inyong lingkod ang kauna-unahang nagsulong ng Free Tuition Law para sa mga estudyante sa kolehiyo. Ang unang bersiyon ng aking panukalang batas na House Bill No. 5905 ay inihain noong noong Hulyo 6, 2015, nang tayo pa ay nagsilbi bilang kongresista. Pagtungtong natin sa Senado noong 2016 ay muli kong inihain ito (Senate Bill No. 198) hanggang sa naging ganap na itong batas.

Naniniwala tayo na ang maayos na pagpapatupad nitong Free Tuition Law ay nangangahulugang magpapatuloy ang edukasyon sa milyong-milyong mga mag-aaral sa kolehiyo. Sa pagbangon ng sektor ng edukasyon sa pinsala ng pandemya, kailangang palawakin natin ang papel ng teknolohiya upang matiyak ang mabilis at mabisang serbisyo sa ating mga mag-aaral, mga kolehiyo at mga pamantasan.



Main Menu

Secondary Menu