Sa pagbabalik sa Metro Manila at iba pang rehiyon sa pinakamahigpit na bersyon ng lockdown, ang Enhanced Community Quarantine, hanap ng marami ang pagpapatigil sa tila paulit-ulit lang na karanasan mula 2020. Isa sa mga tinatanaw na solusyon: pagbabakuna sa kalakhan ng populasyon.

Ayon sa World Health Organization (WHO), makikita sa datos ng iba’t ibang bansa na epektibo ang mga bakuna para makaiwas sa coronavirus disease 2019 (Covid-19), lalo na sa malalang pagkakasakit na nauuwi sa pagkakaospital at posibleng pagkamatay.

Pero ikatlong kapat na ng taon at limang buwan matapos simulan ang pagbabakuna sa bansa, nasa 16 porsiyento pa lang sa target na 70 milyong Pilipino na nasa edad 18 pataas ang may kumpletong bakuna na panlaban sa Covid-19.

Bukod sa kakulangan sa suportang pinansiyal, ang mabagal na pagbabakuna at kakulangan sa suplay ang isa sa mga primaryang pagkukulang ng gobyerno. Ito ay ayon sa sarbey na ginawa ng Pulse Asia sa 2,400 katao noong Hunyo 7-16.

Kung magpapatuloy ang mabagal na vaccine rollout, higit na manganganib ang mga mamamayan, lalo na sa harap ng mas nakakahawang Delta variant ng Covid-19.

Mga variant ng Covid-19

“Likas sa mga virus ang mabilis na pag-mutate at pag-evolve ng bagong variants,” sabi ni Joshua Danac sa Episode 31 na pinamagatang “Kung Bakuna Lang Sana” ng Second Opinion PH, isang independiyenteng inisyatiba ng mga health expert, health worker, at maging mga estudyante na naniniwala sa karapatan sa public health.

Si Danac ay mula sa Disease Molecular Biology and Epigenetics Laboratory ng UP National Institute of Molecular Biology and Biotechnology at miyembro ng Scientists Unite Against Covid-19.

“Pag mas maraming kaso ng Covid-19, mas maraming pagkakataon ang Covid-19 na mag-evolve, mag power up,” sabi ni Danac. Ito’y dahil ginagamit ng isang virus ang cells ng host o taong nahawaan para magparami.

Paliwanag ni Danac, ang variant ng isang virus, tulad ng Covid-19, ay mayroong kanya-kanyang koleksiyon ng mga mutation o pagbabago sa istruktura. Kapareho pa rin nito ang orihinal na virus, pero may ilang katangian na naiiba, tulad na lang ng Delta variant.

May taglay na pagbabago ang Delta variant na ginagawang “mas madikit sa cells, kaya mas nakakahawa”. Unang namataan ang variant na ito sa India, noong Oktubre 2020. Nitong Hulyo, natagpuan na sa 96 na bansa ang variant.

“Sa kabila nito,” sabi ng WHO noong Enero, “hindi nagbago ang mode of transmission o paraan ng pagkahawa sa mga variant ng virus, at epektibo pa rin ang mga panukalang hakbang sa pag-iwas sa sakit.”

Ilan sa mga hakbang na ito ang madalas na paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng mask, pagdistansiya sa ibang tao, at pananatili sa lugar na may magandang sirkulasyon ng hangin sa pamamagitan ng pagbubukas ng bintana at pag-iwas sa kulob na mga lugar.

At higit sa lahat, pagbabakuna sa mas maraming tao.

“Ang pagbabakuna ay para sa buong populasyon, hindi lang sa mga indibidwal,” sabi ni Danac. “Kapag mas maraming bakunado, mas protektado tayong lahat.”

Sa kasalukuyan, higit sa 80 porsiyento pa ng target na 70 milyon ang walang kahit isang dose ng bakuna. Kaya ang tanong ngayon ng mga Pilipino, nasaan na ang ipinangako?

Bulto ng bakuna

Sabi ng tagapangulo ng National Task Force Against Covid-19 na si Sec. Delfin Lorenzana, kasado na ang suplay ng 164 milyong bakuna ngayong 2021. Mula dito, 40 milyon ang binili ng gobyerno na Pfizer-BioNTech doses, 26 milyon na Sinovac doses, 13 milyon na Moderna doses, at 10 milyon na Sputnik V doses.

Kung pagbabatayan ang numerong ito, ibig sabihi’y wala pa sa 25 porsiyento ng bakuna na inilaan para sa 2021 ang nakaabot sa bansa.

Sa ngayon, dinadaan sa hearing sa Senado ang mga isyu ukol sa pondo para sa bakuna.

Ayon kay Finance Sec. Carlos Dominguez, nasa P300-P1,300 ang presyo bawat dosage ng bakuna na binili ng gobyerno.

Galing sa mga utang ang bulto ng pondo na ito. Sa P82.5 Bilyon na inilaang pondo para sa bakuna sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2, sinabi ni Galvez na P70-B ang kukunin mula sa pautang ng multilateral lender (mga organisasyon na binubuo ng iba’t ibang bansa), sa mga bilateral partner ng Pilipinas, at sa domestic market.

Dagdag pa dito ang nakaambang donasyon mula sa iba’t ibang bansa. Sabi ni Sen. Ralph Recto, hindi pa ginagastos ang kalakhan ng pondo para sa bakuna kung titignan ang dami ng donasyon na bakuna na tinanggap ng Pilipinas.

Giit ni Sen. Panfilo Lacson, hindi transparent o bukas ang gobyerno sa kung papaano nito ginagastos ang pondo para sa bakuna. Kailangan siyasatin ang anumang pagpapadagdag sa pondo lalo na’t paparating ang eleksyon.

Sa kabila ng lahat ng ito, nananatili ang Pilipinas bilang isa sa mga pinakakonting nababakunahan kada 100 tao sa populasyon, sa buong rehiyon ng Southeast Asia.

Kung titignan ang imprastruktura ng bansa para sa pagbabakuna, hindi na ito nakakagulat.

Ayon sa assessment ng Philippine Institute for Development Studies noong Pebrero 2021, kung titignan ang isyu ng pagpapabakuna sa mga bata sa ilalim ng Expanded Program on Immunization, makikitang isyu sa procurement at logistics ang dahilan bakit hindi natatamo ng bansa ang layunin nitong mabakunahan ang 95 porsiyento ng kabataang Pinoy.

“May kontribusyon man ang demand factors tulad ng pagbaba ng tiwala sa bakuna, mas malaki ang kontribusyon ng matinding problema sa supply-side systems na naging dahilan bakit bumababa ang immunization coverage,” sabi sa report. Kasama na dito ang isyu sa “leadership, planning, at supply chain”.

Ganumpaman, madalas itampok ng gobyerno na rason ang kawalan ng tiwala ng mga Pilipino sa bakuna. Pinabulaanan naman ito ng mga tao gamit ang magkakaibang litrato ng mga tao na pumipila para sa bakuna kahit may baha at kahit pa madaling araw o hating gabi.

“Bahala na si Covid-19 sa kanila kung ayaw nila magpabakuna,” sabi ni Harry Roque, tagapagsalita ng Palasyo, noong Agosto 9. Kapareho ito ng pag iisip na nagbunga sa isang militarisadong quarantine: ginagawang kaaway imbis na katuwang ang mamamayang Pilipino.

Impormasyon, hindi parusa

Isang linggo bago ang ECQ sa Metro Manila at ilang probinsiya, si Pangulong Duterte mismo ang nagsabi sa talumpati niya na hindi dapat palabasin ng bahay ang wala pang bakuna.

Noong Hunyo, sinabi rin nito na may dalawang pagpipilian ang mga tao: bakuna o bilangguan.

Sinabi na noon ni Dr. Joshua San Pedro ng Coalition for People’s Right to Health (CPRH) na ang problema sa Sinovac ay hindi kung sino ang gumawa nito at saan ito nanggaling, kundi ang impormasyon na kailangan ipaabot sa mga tao. Kailangan maging mas aktibo at epektibo ang mga hakbang ng gobyerno sa pagpapataas ng kumpyansa ng mga tao.

Ganito rin ang sinabi ni Dr. Gene Nisperos, miyembro ng Second Opinion PH at assistant professor sa University of the Philippines College of Medicine.

“Ang kailangan ng tao, tamang impormasyon para makagawa ng naaayon na desisyon,” sabi niya sa panayam sa kanya ng Pinoy Weekly noong Mayo. Kailangang kilalanin ng gobyerno ang pangangailangan ng mga komunidad sa impormasyon.

Ito ang magiging daan para magkaroon ng mas malaking bahagi ang simpleng mga mamamayan sa laban sa Covid-19.



Main Menu

Secondary Menu