Manila, Philippines – Kinastigo ni Senador Win Gatchalian ang Commission on Higher Education (CHED) sa pagkakaantala sa automation ng reimbursement system sa libreng matrikula at iba pang bayaran sa state universities and colleges (SUCs).

Sa pahayag, hinimok ni Gatchalian ang naturang komisyon na bigyang prayoridad ang automation upang maayos ang pagpapatupad ng  Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act 10931) na kilala bilang Free College Education Law.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na sa ilalim ng mga pamantayan ng CHED at ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education o UniFAST, dapat munang magsumite ang SUCs ng kanilang billing statement at iba pang dokumento bago mabayaran.

Bagama’t iniulat ng CHED na walumpung (80) porsyento ng State at Local Universities at Colleges (SUCs) ang nabayaran para sa ikalawang semestre ngayong taon, may labingdalawa (12) pang paaralan ang hindi pa nababayaran.

Ayon sa CHED, hindi pa naisusumite ng mga paaralang ito ang kinakailangang dokumento upang makumpleto ang bayad sa kanila.

Sinabi ni Gatchalian, maaapektuhan ang operasyon ng SUCs at LUCs kung patuloy na maaantala ang reimbursement ng tuition at miscellaneous fees, bagay na mareresolba sana kung automated ang pagproseso sa mga naturang dokumento.

Lumabas din sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na kung hindi agad maibigay sa  SUCs at LUCs an  mga reimbursement, maaaring maipasa sa estudyante ang gastusin ng paaralan.

May mahigit isang (1.3) milyong estudyante ang kasalukuyang nakikinabang sa libreng kolehiyo. Kalahating milyon (500,000) naman ang tumatanggap ng Tertiary Education Subsidy o TES. Ang TES ay tulong pinansyal para sa mga gastusing may kinalaman sa pag-aaral tulad ng transportasyon, tirahan, libro, at iba pa.

Kung magpapatuloy ang suliraning ito, maaaring i-konsidera ang panukalang idiretso na lamang sa SUCs at LUCs ang pondo, ayon kay Gatchalian.

Ngunit dapat muna aniyang pag-aralan ng mabuti ang panukalang ito upang mabigyang ng proteksyon ang buwis ng mga mamamayan.

“Dapat nating ayusin ito dahil hindi maaaring ganito na lang ang problema taon-taon. Alam naman nating kailangang kailangan ng   SUCs at LUCs ang pondo,” ani Gatchalian.

“Kaya natin itong solusyonan gamit ang teknolohiya, ngunit kailangan din natin ang agarang pagkilos,” dagdag ng senador.

Ayon naman kay CHED Chairman J. Prospero de Vera III, meron nang database ng mag-aaral ang UniFAST ngunit inaayos pa ito upang mapadali ang pakikipag-ugnayan ng Komisyon sa mga mag-aaral.

Si Gatchalian ang isa sa mga may akda ng Free College Education Law. Inihain din niya ang Senate Bill No. 1793 o ang ‘Full Digital Transformation Act of 2020’ upang paigtingin ang modernisasyon ng mga serbisyo ng pamahalaan.



Main Menu

Secondary Menu