Salamat sa maagang pamasko ng Quacquarelli Symonds (QS) World University Rankings sa Asya nitong ika-9 ng Nobyembre, nagkaroon na naman ng bragging rights ang mga estudyante, faculty, at kababayan ng 16 na unibersidad sa Pilipinas na nakalusot sa ranking ng QS para sa taong 2024.

“Hindi ko na nga tatanggalin ID ko [kapag] bumi-biyahe,” pabirong komento ng isang mag-aaral ng Polytechnical University of the Philippines (PUP) sa post ng Rappler matapos makapasok sa unang pagkakataon ang PUP sa QS ranking — nasa ranggo ng 551-600 at ika-pito sa bansa. Kasama nito sa pag-debut ang University of San Carlos (551-600), Far Eastern University (FEU) Manila (701-750), at Mindanao State University (MSU) (801), base sa QS. 

Base rin sa ranking, hawak pa rin ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) ang pinakamataas na pwesto sa bansa. Umangat ito sa QS ranking, mula ika-87 noong Hunyo at ika-78 ngayong Nobyembre. Sinundan ito ng Ateneo de Manila University (ADMU) bilang ika-137, De La Salle University (DLSU) bilang ika-154, at University of Sto. Tomas bilang ika-179. Ang UP ang natatanging state university sa kanilang “big four.”

Bukod sa UP ay pinalad din ang apat na state university na PUP, MSU-Iligan Institute of Technology, at MSU — isang manipestasyon na kahit hindi kasing gagarbo at katataas ang pribilehiyo mayroon ito tulad ng ADMU, DLSU, at UST ay napatunayan pa rin nila ang dekalidad na uri ng edukasyon sa kolehiyo na maibibigay nila. Pero sa kabila nito, hindi naman lahat pinapalad na makamit ang inihahain nilang edukasyon. 

Ayon sa datos ng pinakahuling University of the Philippines College Admission Test (UPCAT) noong 2019, 13% o 11,821 lamang sa mahigit na 140,593 na mga aplikante ang nakapasa sa UP. May pinapanatili umano silang kahusayan sa akademya kung kaya’t masusi rin ang kanilang admisyon, base sa kanilang website. 

Bagaman hindi maiiwasan ang maging uhaw sa balidasyon ng ganitong mga ranking, saang pahina ba ng misyon at bisyon ng mga institusyon ang mapabilang sa mga ranking na ito? Kasing babaw lang nga ba ng bragging rights ang layunin nito? Alang-alang sa makukuhang pwesto sa mga ganitong ranking, may malaking porsyento ng sangkaestudyantehan ang pinagkakakitaan ng karapatang makapag-aral sa dekalidad na institusyon tulad ng UP. 

Base sa QS rankings — isa sa mga inaabangang ranking simula 2004 dahil aprubado ng International Ranking Expert Group (IREG) bilang mapagkakatiwalaan na organisasyon — ang mga pinagbasehan nila sa pagranggo ay ang reputasyon ng akademya, reputasyon sa employer, ratio ng guro-mag-aaral, kawani ng guro na may PhD, mga research paper, network ng pananaliksik sa internasyonal, internasyonal na guro, at internasyonal na mga mag-aaral. Napakaraming pinagbabatayan ngunit kung susuriin ay hindi rin gaanong naka-angkla sa konteksto ng ating sistema sa edukasyon sa kolehiyo. 

Una, totoo namang importante ang reputasyon ng isang institusyon. Hindi naman natin masisisi ang mga pilit na isiniksik ang sarili nila sa UP, ano man ang estado sa buhay, kung ito ang tinaguriang nangungunang unibersidad sa bansa. Ngunit kapag matunog, dinudumog — ‘yan ang butas ng batayan na ito. At kapag may dumugan, may mga swe-swertehin o kaya mamalasing mga estudyante na hindi makakakuha ng pwesto rito. 

Pangalawa, tinatayang 2.27 milyon ang walang trabaho sa Pilipinas, ayon din sa Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Setyembre. Ayon sa sarbey ng Philippine Institute for Development Studies noong 2020, isa ang educational background sa mga masinsinang kinikilatis ng mga employer sa mga aplikante nila. Dahil na rin sa reputasyon mayroon ang UP, mas nagkakaroon sila ng oportunidad na mas makahanap ng trabaho na hirap matamasa ng ilan, lalo na ng mga senior high graduates lamang. Ayon din sa sarbey ay halos 20% lamang ng mga senior high graduates ang mga nakakahanap ng trabaho. Ang employer reputation score ang pinakamataas na nakuha ng UP, 77.7 na puntos, ayon sa kanilang website. 

Pangatlo, mayroong 140 na mga bakanteng posisyon para sa mga guro sa CHED, habang ang Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) naman ay kinakailangan ding kumuha ng 938 pang tauhan ngayong taon, base sa staffing summary na dokumento ng Department of Budget and Management (DBM) ngayong taon. Nabanggit din sa dokumento ang institusyon ng MSU na isa sa walong pangkolehiyong institusyon sa Northern Mindanao na nangangailangan umano ng 623 na aplikante upang punan ang mga bakante. 

Panghuli, global ang batayan dito. Hindi maikakaila ang mataas na pagtingin sa siyensya, partikular na sa pananaliksik, at internasyonal na aspeto sa larangan ng edukasyon. Ang gusto ng ating pamahalaan ay makasabay tayo sa global na sistema, subalit ang hindi nila alam ay unti-unti nitong napag-iiwanan ang mga interes ng sangkaestudyantehan. Hindi naman kasi sapat na batayan ng kahusayan ang pagiging magaling sa pananaliksik at pagsalita ng Ingles. 

Tunay ngang may kakulangan pa rin sa kalidad ng edukasyon sa ating bansa at hindi ito kailanman matatakpan ng bangong idinudulot ng mga ranggo sa ano mang university ranking. Sa katotohanan, responsibilidad ng pamahalaan at ng sistema ng ating edukasyon ang gawing dekalidad ang bawat institusyon sa bansa, at syempre ay gawing bukas din sa lahat ng estudyante. 

Kahit pa man nilinaw na ni DBM Secretary Amenah Pangandaman noong Agosto 3 sa isang briefing sa Kongreso na hindi makakaapekto ang pagbaba ng badyet ng UP sa bilang ng mga estudyanteng makakapasok dito sa susunod na taon, maaapektuhan pa rin nito ang pagpapatupad ng mga aktibidad at proyekto sa paaralan. Base sa iminungkahing badyet ng pamahalaan para sa 2024, mahigit tatlong bilyon ang mababawas sa UP, mula P25.52 bilyon noong nakaraang taon sa P22.59 bilyon ngayon. Sana ay marinig nila ang panawagan ng mga estudyante na ibalik ang badyet na ito. 

Sana ay maisip ng ating pamahalaan na sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang badyet at tamang paggastos nito upang mapunan ang kakulangan sa oportunidad ng bawat pamantasan, maraming estudyante ang matutulungan. Matutugunan nito ang mga pagtayo ng mga karagdagang klasrum, pagbigay ng mga materyales at kagamitan sa mga institusyon, pag-ayos ng kurikulum na naka-angkla sa interes ng mga estudyante, at pagtaas ng mga sweldo ng mga guro. 

Sa isyung ito, ang publiko ay kinakailangan ding maging kritikal sapagkat ang pagkakaroon ng bragging rights ay manipestasyon din ng hindi pantay na karapatan ng bawat estudyante. Nawa’y hindi tayo manatiling bulag sa nakasisilaw na rankings tulad sa QS dahil sa likod ng matataas na ranggo ng ilang institusyon ay ang mga institusyong hindi pinalad at napag-iiwanan bunsod ng hindi pantay na oportunidad at pribilehiyong mayroon sila. Hindi naman kasi lahat nagkakaroon ng bragging rights, bagkus tila patuloy lamang na nadra-drag ang kanilang rights. – Rappler.com



Main Menu

Secondary Menu