Pangunahing layunin ng early childhood care and development (ECCD) ang pagbuo ng kaalaman at pagpapaigting ng kakayahan ng mga batang nasa 2 hanggang 4 taong gulang.
Dinisenyo ito upang sila ay maging mas handa sa paaralan habang sila ay nasa murang edad pa lamang. Malaking pakinabang ang pagsusulong nito sa ating adhikaing masugpo ang krisis sa edukasyon na bumabalot sa bansa kaya walang patid nating tinututukan ang mga updates at solusyon sa mga suliranin kaugnay dito.
Sa kabila kasi ng magandang dulot nito, tila hindi nabibigyan ng pansin ang early childhood education (ECE) dahil lumalabas na siyam na porsyento lamang ng mga batang 2 hanggang 4 na taong gulang ang naka-enroll sa mga national child development centers (NCDCs) at mga child development centers (CDCs) nitong School Year 2022-2023. Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Early Childhood Care and Development Council (ECCDC), sa kabuuang bilang na 6,835,586 ay 608,614 lamang ang mga batang may edad na 2 hanggang 4 ang naka-enroll sa mga NCDC at CDC.
Batay sa magkahiwalay na datos mula sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS) ngayong 2023 at sa Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS) ng taong 2019, isa sa mga itinuturong dahilan kung bakit kaunti lang ang naka-enroll sa pre-kindergarten ay ang paniniwala ng mga magulang na masyado pang maaga para sa mga batang may edad 4 hanggang 5 ang mag-aral.
Kung susuriin ang datos ng 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM), ang isang taon sa early childhood education (ECE) ay maiuugnay sa pagtaas ng humigit kumulang na 6 points sa Math performance ng Grade 5. Umabot sa 286 ang average predicted math score ng mga math learners na pumasok sa ECE, samantalang 282 naman ang marka ng mga hindi pumasok sa ECE.
Lumalabas din sa datos ng SEA-PLM na kung ihahambing sa mga magulang ng mga bata na hindi pumasok sa ECE, iniulat ng mga magulang na may anak na pumasok sa ECE na mas maigting ang kakayahan ng kanilang anak sa pagsusulat at pagbasa, sa pagtukoy sa mga hugis, at sa basic addition.
Ipinapakita pa rin sa resulta ng 2019 SEA-PLM na sa 25 porsyento ng mga mag-aaral na nasa kategoryang pinakamahirap, may maliit ngunit positibong pag-angat na 0.4 points sa Grade 5 math score ang pagpasok sa ECE. Para naman sa 25 porsyento na pinakamayamang mga mag-aaral na pumasok sa ECE, mas mataas ng 10.71 points ang kanilang marka kung ikukumpara sa mga hindi tumanggap ng ECE. Makikita sa mga datos na ito ang epekto sa kalidad ng performance ng mga mag-aaral, anuman ang kanilang estado.
Pero hindi tayo pwedeng magpaka-kampante. Bukod sa pagpapatayo ng mga child development centers, kailangan din nating iangat ang kalidad ng mga programa sa ECCD. Kapag kalidad ang pinag-uusapan, dapat tingnan dito ang curriculum, ang ating mga guro, at ang mga mag-aaral.
Kaugnay nito, dapat tiyakin natin ang maayos na ugnayan sa pagitan ng K to 12 basic education curriculum at ECCD curriculum. Kaya naman isinusulong ng inyong lingkod ang Basic Education and Early Childhood Education Alignment Act (Senate Bill No. 2029). Sa ilalim ng panukalang batas, palalawakin ang responsibilidad ng mga local government units sa pagpapatupad ng ECCD programs —kabilang dito ang pagkamit ng universal coverage para sa ECCD system at ang paglalaan ng karagdagang pondo at mga resources.
Sa loob ng maraming dekada, marami-rami na ring mga panukala ang naisulong para mapaigting ang sistema ng ECCD. Ngunit, patuloy ang pagharap nito sa iba’t ibang suliranin. Oras na para tuluyan nang maayos ang sistema.